Ebanghelyo: Mateo 9:32-38
Nang makaalis na ang mga ito, may nagdala naman kay Jesus ng isang lalaking pipi na inaalihan ng demonyo. Nang mapalayas niya ang demonyo, nakapagsalita ang pipi kaya namangha ang mga tao at kanilang sinabi: “Wala pang nangyaring ganito sa Israel.” Ngunit sinabi naman ng mga Pariseo: “Nagpapalayas siya ng demonyo sa tulong ng pinuno ng mga demonyo.” At nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.”
Pagninilay
Noong panahon ni Jesus ang mga Pariseo ang sumusunod sa Kasulatan, ngunit hindi nila tinanggap ang Panginoon bilang Anak ng Diyos. Mga bulag na taga-gabay sila dahil hindi nila siya nakikita. Hindi sila bukas sa pag-tanggap sa liwanag ng Diyos at mapanghusga pa sila. Mabuti pa ang mga karaniwang taong namangha sa mga himalang ginawa ni Jesus at nagpuri sa Diyos. Nakita ni Jesus ang kalagayan ng mga tao at naawa siya sa kanila. Bukas din kaya ang ating mga mata sa mga pangangailangan ng ating kapwa at sa mga gawain ng Diyos, o sarado rin ang ating pag-iisip tulad ng mga Pariseo? Nawa ay makita rin natin ang pang-loob at huwag tayong agad-agad manghusga (maghatol) ayon sa pang-labas. Inaanyayahan tayo ni Jesus na manalangin upang madagdagan ang mga tunay na Pastol na marunong gumabay sa kawan tungo sa kaliwanagan, katotohanan at kapayapaan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020