Ebanghelyo: Lucas 10:25-37
May tumindig na isang guro ng Batas para subukin si Jesus. Sinabi niya: “Guro, ano ang gagawin ko para makamit ang buhay na walang hanggan?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Ano ba ang nasusulat sa Batas, at paano mo ito naiintindihan?” Sumagot ang guro ng Batas: “Mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso at nang buo mong kaluluwa at nang buo mong lakas at nang buo mong pag-iisip. At nasusulat din naman: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.”
Noo’y sinabi ni Jesus sa kanya: “Tama ang sagot mo. Gawin mo ito at mabubuhay ka.” Pero gustong mangatwiran ng guro ng Batas kaya sinabi niya kay Jesus: “At sino naman ang aking kapwa?” Sinagot siya ni Jesus: “May isang taong bumaba mula sa Jerusalem papunta sa Jerico at nahulog siya sa kamay ng mga tulisan. Hinubaran siya ng mga ito at binugbog at saka iniwang halos patay na. Nagkataon namang may isang paring pababa rin sa daang iyon. Pagkakita sa kanya, lumihis ito ng daan. Gayundin naman, may isang Levitang napadaan sa lugar na iyon; nang makita siya’y lumihis din ito ng daan.
Pero may isang Samaritano namang naglalakbay na napadaan sa kinaroroonan niya; pagkakita nito sa kanya, naawa ito sa kanya. Kayat lumapit ito, binuhusan ng langis at alak ang kanyang mga sugat at binendahan. Isinakay nito ang tao sa sarili niyang hayop at dinala sa isang bahay-panuluyan at inalagaan. Kinabukasan, dumukot ang Samaritano ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi: ‘Alagaan mo siya; sasagutin ko ang anumang karagdagang gastos pagbalik ko’.”
At sinabi ni Jesus: “Sa palagay mo, sino sa tatlong ito ang naging kapwa sa taong nahulog sa kamay ng mga tulisan?” Sagot ng guro: “Ang nagdalang-habag sa kanya.” Kaya sinabi ni Jesus sa kanya: “Humayo ka’t ganoon din ang gawin.”
Pagninilay
Mayroong nais subukin si Jesus sa pamamagitan ng tanong. Masasabi ko na ang taong ito ay matalino sapagkat siya ay isang guro ng Batas. Kapag sinabing Batas, ito ay tumutukoy sa mga “Utos” ng Diyos na ibinigay sa mga Israelita upang kanilang maging gabay sa pakikipag-ugnayan sa Diyos at sa kapwa. Makikita natin na nagtatanong ang taong ito hindi upang malinawan kundi upang may mapatunayan – na higit siyang matalino kaysa kay Jesus, na hindi naman nakapag-aral ng pormal at di kagaya niya.
Madalas na “prepressure” tayo sa kung ano ang pamantayan ng mundo. Hindi masamang mag-aral at magpakataas sa larangan ng edukasyon. Pero dapat alam natin kung ano ang nagtutulak sa atin para magsikap mag-aral. Totoo naman, iba talaga ang tingin ng mga tao sa isang nakapag-aral lalo’t higit kung naka-graduate. Ang nakakalungkot lang, masyadong marami ang mga matatalino at gustong patunayan na sila ang matalino. Sa kagustuhan nating maging matalino, nakakalimutan natin na maging mabuting tao. Madalas, kung sino pa ang nakapag- aral sila ang hirap umintindi sa mga kahinaan at limitasyon ng iba. Kung sino pa ang matalino, siya pa ang mahirap kausap.
Balewala ang talino kung ito ay hindi naman naipapakita sa pakikitungo sa kapwa. Hindi natin ikakadala sa langit ang ating mga nalalaman tungkol sa batas. Hindi rin sapat na alam mo ang mga Utos ng Diyos. Ang mas mahalaga ay kaya nating isagawa o isabuhay ang ating nalalaman. Huwag nating ipagyabang ang ating mga medalya at diploma kung hindi naman tayo dinadala nito sa pagiging mabuting tao.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022