Ebanghelyo: Mateo 14:1-12
Nang panahong iyon, umabot kay Haring Herodes
ang katanyagan ni Jesus. At sinabi niya sa kanyang mga
kasambahay: “Si Juan Bautista siya. Nabuhay si Juan mula
sa mga patay kaya nagkakabisa sa kanya ang makalangit
na kapangyarihan.”
Si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan, at nag-utos na ikadena ito at ikulong dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. Sapagkat sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo siya puwedeng maging asawa.” Talaga ngang gusto ni Herodes na patayin siya, pero takot siya sa mga tao na kumikilala kay Juan bilang isang propeta.
Kaarawan ni Herodes at nagsayaw ang anak na babae ni Herodias, at nasiyahan si Herodes sa kanya. Kaya sinumpaan niya ang isang pangako na ibibigay sa kanya ang anumang hingin niya. At sinabi ng babae ayon sa turo ng kanyang ina: “Ibigay mo rito sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.”
Nasaktan ang hari ngunit napanumpaan na niya ang pangako sa harap ng mga bisita kaya iniutos niya na ibigay iyon sa kanya. At pinapugutan niya ng ulo si Juan sa kulungan; inilagay sa isang plato ang kanyang ulo at ibinigay sa babae, at dinala ito ng babae sa kanyang ina.
At pagkatapos ay dumating naman ang mga alagad ni Juan at kinuha ang kanyang katawan at inilibing. At pagkatapos ay ibinalita ito kay Jesus.
Pagninilay
Kapag tayo ay may sakit, tayo ay umaasa ng lakas mula sa ibang tao. Ang ating pagbangon, pagkain at pagkilos ay mahirap. Sa puntong ito maiisip natin na hindi tayo malakas kung wala ang tulong ng iba. Ganito siguro ang naging pakiramdam ni San Ignacio de Loyola, bilang isang sundalo, nasanay siya na siya ang naglilingkod at lumalaban para sa iba. Ngunit noong 1521, sa isang giyera laban sa Pranses, siya ay tinamaan ng kanyon sa kaniyang hita. Ito ay lubhang nakaapekto sa kaniyang buhay. Noong panahon na hindi niya kayang lumaban, nakita niya ang lakas na mula sa iba. Nahilig siya sa pagbabasa ng libro ukol kay Jesus, at sa mga santo. Sa kaniyang kahinaan, doon niya natagpuan ang lakas na hindi nagmumula sa pisikal na kaanyuan bilang sundalo ngunit ang lakas na nagmumula sa Diyos. Nawa sa araw na ito ay Makita rin natin ang Diyos sa ating kalakasan at sa mga araw na tayo ay mahina. Paalala ni San Ignacio na masumpungan natin ang Diyos sa tuwina: “find God in all things.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2021