Ebanghelyo: Marcos 12:13-17
Gusto nilang hulihin si Jesus sa sarili niyang mga salita. Kaya pinapunta kay Jesus ang ilan sa mga Pariseo kasama ng mga kampi kay Herodes. Nilapitan nila siya at sinabi: “Guro, nalalaman naming tapat ka at hindi napadadala sa iba. Hindi ka nagsasalita ayon sa kalagayan ng tao kundi tunay na itinuturo ang daan ng Diyos. Kaya ayon ba sa Batas na magbayad ng bu-wis sa Cesar?” Nang makita ni Jesus ang kanilang pagkukunwari, sinabi niya sa kanila: “Bakit ninyo ako sinusubok? Akin na ang isang denaryo.” Iniabot nila sa kanya ang isang denaryo at sinabi sa kanila ni Jesus: “Sino ang nakalarawan dito, na narito rin ang kanyang pangalan?” Sumagot sila: “Ang Cesar.” At sinabi niya sa kanila: “Ibigay nga sa Cesar ang para sa Cesar, at sa Diyos ang para sa Diyos.” Lubha silang namangha sa kanya.
Pagninilay
Sa panahon natin ngayon, palagi nating naririnig ang katagang: “I’m healing my inner child”. Ito ay nababanggit tuwing may nabibiling mahal na presyong bagay, nakakapunta sa mga mamahaling restaurant at lugar, nakakapagliwaliw, at nakakapaglibang sa buhay. Ito ay yaong mga hindi kaya ng bulsa noong kabataan ngunit ngayon ay kayang kaya na. Naging maka-mundo na ang kahulugan ng paghilom. Ngunit matapos nating mabili, mapuntahan, at makamit ang mga bagay na akala natin ay nakahihilom ng sugat ng kahapon, tunay ba tayong nakadama ng malalim na kapanatagn sa ating buhay? Ang tunay na paghilom ay nakatuon at nakaugat sa pagpapatawad sa mga taong nakasakit sa atin at sa ating mga sarili. Paglalaan ng espasyo sa ating kalooban upang makapasok ang Diyos. Ang materiyalismo at konsumerismo ay hindi sapat na kasagutan sa ating paghihilom. Sa halip, ang paghilom ay tunay lamang nating makakamit kung tayo ay lubos na nagititwala at nagpapamahal sa ating Diyos. Ikaw, kapatid, paano ka naghihilom?
© Copyright Pang Araw-araw 2026





