Ebanghelyo: Mateo 5:1-12
Nang makita ni Jesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok. Naupo siya roon at lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad. At nagsimula siyang magturo sa kanila:
“Mapapalad ang mga may diwa ng dukha sapagkat sa kanila ang Kaharian ng Langit.
Mapapalad ang mga nagluluksa sapagkat pagiginhawahin sila.
Mapapalad ang mga di-marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain.
Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin sila.
Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawaan sila.
Mapapalad ang mga may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos.
Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos.
Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang Kaharian ng Langit.
Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo. Ganito rin pinag-usig ang mga propetang nauna sa inyo.
Pagninilay
Noong una ay wala pang lunas ang tuberculosis at nang maimbento ang gamot para rito ay nabuhayan ng loob ang mga tinamaan ng sakit na ito. Nagsilbing magandang balita ito para sa kanila at sa kanilang mga kaanak na nagdulot ng pag-asa sa kanilang paggaling. Ganoon din ang mensahe ng ating ebanghelyo – ipinabatid ni Jesus ang magandang balita sa mga tao. Hindi para sabihing mapalad sila dahil sila ay dukha at nagugutom kundi para sabihing makakaranas sila ng ginhawa sa buhay. Inaanyayahan din tayo ni Jesucristo na maging daan upang maisakatuparan ang kanyang magandang balita sa paraan ng ating pagtugon sa pangangailangan ng iba.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021