Ebanghelyo: Jn 19: 31-37
Dahil paghahanda noon, ayaw ng mga Judio na mamalagi sa krus ang mga katawan sa Araw ng Pahinga sapagkat dakilang araw ang Araw na iyon ng Pahinga. At ipinakiusap nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nasa krus at saka alisin. Kaya pumaroon ang mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng una at ng isa pang kasama niyang ipinako sa krus. Ngunit pagsapit nila kay Jesus, nakita nilang patay na siya kaya hindi nila binali ang kanyang mga binti. Gayunma’y sinibat ng isa sa mga sundalo ang kanyang tagiliran, at biglang may umagos na dugo at tubig. Ang nakakita ang nagpapatunay, at totoo ang kanyang patunay. At Siya ang nakaaalam na totoo ang sinasabi niya para maniwala kayo. Gayon kailangang maganap ang Kasulatan: Walang babaliin sa kanyang mgas buto. At sinasabi ng isa pang Kasulatan: Pagmamasdan nila ang kanilang sinibat.
Pagninilay
Sa pagdiriwang ng Kapisatahan ng Kamahalmahalang Puso ni Jesus, magandang pagniliyan ang pinahayag sa Unang Pagbasa. Dito ay pinapakita kung gaano ang tao at ang buong sanlibutan ay lubos na minamahal ng Diyos. Kung paano Niya pinahahalagahan ang bawat isa na puno ng pagmamahal. Ang Kanyang wagas na pag-ibig ay walang ninanais kundi ang ating kapakanan. Kahit pa sa ating di-mabilang na mga kakulangan at kasalanan, hindi Siya nagpapadala sa bugso ng galit. Siya ang Diyos na ating Ama. Sa Ebanghelyo, pinatunayan ng Diyos ang Kanyang wagas na pag-ibig sa pamamagitan ng pag-aalay Niya ng Kanyang Anak – si Jesus ang Kordero. Sa panahon na naghahanda ang mga Judio sa Araw ng Paskua, kung saan kinakatay nila ang pinakamagandang uri ng karnero o tupa upang ialay sa templo bilang handog para sa kapatawaran ng kanilang kasalanan. Si Jesus, dahil sa tindi ng Kanyang pag-ibig sa Diyos at sa sangkatauhan, ay inalay naman ang Kanyang Sarili. Saang bahagi ng iyong buhay nararamdaman mo ang tunay na pagmamahal ng Diyos? Kailan mo ba huling naranasan ang pagmamahal ni Jesus sa iyo? Ano ang iyong naging tugon sa pagmamahal na ito?
© Copyright Pang Araw-Araw 2024