Ebanghelyo: Mc 12: 28-34
May isang guro ng Batas na nakarinig sa pagtatalo nila. Nang mapansin niyang tama ang sagot ni Jesus sa mga Sadduseo, lumapit siya at nagtanong kay Jesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?” Sumagot si Jesus na “Ito ang una: Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoong ating Diyos. At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, nang buo mong pag-iisip at nang buo mong lakas. At pangalawa naman ito: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Wala nang utos na mas mahalaga pa kaysa mga ito.” Kaya sinabi ng guro ng Batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa kanya. At ang mahalin siya nang buong puso at nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarili ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at mga alay.” Nakita ni Jesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi niya: “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong sa kanya.
Pagninilay
Nang binigay ni Jesus ang buod ng “Sampung Utos” sa guro ng batas, sumang-ayon naman ito sa Kanya. Dahil alam nilang nasasagot lahat ni Jesus ang anumang mga katanungan nila, wala ng nangahas pang magtanong sa Kanya. Pero ang tanong, naniwala ba sila sa mga sinabi ni Jesus o sa mga nagging tugon ni Jesus sa kanila? Tayo rin minsan ay may mga mahahalagang tanong tungkol sa ating buhay o pamumuhay. Minsan alam naman natin ang sagot ayon sa pananaw ng Simbahan o ng Diyos, ngunit hindi natin kayang talikuran o baguhin ang ating pananaw at ginagawa kahit pa ito’y taliwas sa mga turo ng Simbahan o ni Jesus. Nawa, ang ating mga natutunan at kaalaman tungkol sa Kasulatan ay tunay na magdadala sa atin sa walang hanggang buhay. Patuloy nating hingin ang gabay at inspirasyon ng Banal na Espiritu upang ang ating pamumuhay ay maging daan patungo sa kalangitan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024