Ebanghelyo: Mateo 5:38-42
Narinig na ninyo na sinabi: Mata sa mata at ngipin sa ngipin. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag ninyong labanan ng masama ang masama. Kung sampalin ka sa kanang pisngi, ibaling ang mukha at iharap ang kabilang pisngi. Kung may magdemanda sa iyo para kunin ang iyong sando, ibigay mo pati ang iyong kamiseta. Kung may pumilit sa iyong sumama sa kanya nang isang kilometro, dalawang kilometro ang lakarin mong kasama niya. Bigyan ang nanghihingi at huwag talikuran ang may hinihiram sa iyo.
Pagninilay
Kapag may ginawang masama sa atin ang isang tao, hindi natin ito palalampasin – dapat makabawi o makaganti. Ito ang sistemang madalas sinusundan ng mundo: mata sa mata, ngipin sa ngipin. Tapatan lamang: kung ano ang ginawa sa iyo ng iyong kaaway, gawin mo rin sa kanila. Nakakalungkot na nagiging kalakaran na ito ng mundo. Tunay na mahirap ang hamon ni Jesus sa ebanghelyo – ang pagtitimpi, pag-uunawa, at pagkakaroon ng pusong mapagpatawad. Hindi nadadaan sa dahas ang bawat pakikitungo sa kaaway. Maaari natin silang harapin ng nakaugat sa katotohanan, at kung sa huli ay makita natin na tayo ay nagkamali rin, matuto nawa tayong humingi ng tawad at magpatawad sa mga taong nakagawa sa atin ng kasalanan.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




