Ebanghelyo: Mateo 6:19-23
Huwag dito sa lupa kayo mag-ipon ng inyong mga iniipon sapagkat dito’y masisira ang mga iyon ng mga kulisap at kalawang, at mananakaw ng magnanakaw. Sa piling ng Diyos kayo mag-ipon ng inyong iniipon; wala nga roong kulisap o kalawang na sisira, at walang magnanakaw. Malaman mo nawa na kung nasaan ang iyong kaya naman, naroon din ang iyong puso.
Ang iyong mata ang lampara ng iyong katawan; kung malinaw ang iyong mata, nasa liwanag ang buo mong katawan. Kung malabo naman ang iyong mata, nasa kadiliman ang buo mong katawan. At kung dumilim ang liwanag na nasa iyo, gaano pa kaya ang madilim!
Pagninilay
Kung ang isang tao ay may labis na minamahal, madaling makilala kung sino ito sapagkat bukambibig niya ang pangalan nito. “Kung ano ang pumupuno sa puso, siyang ring lumalabas sa mga labi.” Pag susumikapan ng isang taong nagmamahal kung anong makapagbibigay saya sa kanyang minamahal. Ganito rin ang ating mga pagpapahalaga at hangarin sa buhay. Kung ang mga ito’y tumutukoy sa mga makamundong bagay tulad ng yaman at ari-arian, ang ating mga pagsusumikap ay upang makamit ang mga ito. Ngunit minsa’y nalilimutan nating ang mga ito’y lumilipas din. Sa simula ng pandemiyang Covid-19, napagtanto ng maraming tao na walang magagawa ang maraming salapi at kayamanan sa gitna ng virus na di nakikita. Kaya’t ating siyasatin ang ating mga sarili kung ano ang ating pagpapahalaga at hangarin sa buhay. Atin nawang matagpuan ang tunay na ningning upang maging makabuluhan ang ating mga pagsusumikap sa araw-araw ng ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023





