Ebanghelyo: Lucas 1:57-66, 80
Nang sumapit na ang panganganak ni Elizabeth, isang anak na lalaki ang isinilang niya. Narinig ng mga kapitbahay at mga kamag-anakan niya kung gaano nagdalang –awa sa kanya ang Panginoon kaya’t nakigalak sila sa kanya.
Nang ikawalong araw na, dumating sila para tuliin ang sanggol at pangangalanan sana nila itong Zacarias gaya ng kanyang ama. Sumagot naman ang kanyang ina: “Hindi, tatawagin siyang Juan.” Pero sinabi nila sa kanya: “Wala ka na ming kamag-anak na may ganyang pangalan.” Kaya sumenyas sila sa ama ng sanggol kung ano ang gusto niyang itawag dito. Humingi siya ng isang sulatan, at sa pagtataka ng lahat ay kanyang isinulat: “Juan ang pangalan niya.” Noon di’y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila. Nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos.
Kaya namayani ang banal na pagkatakot sa kanilang mga kapitbahay. At nagging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa buong mataas na lupain ng Juda. Nag isip-isip ang mga nakarinig at nagtanungan: “Ano na kaya ang mangyayari sa sanggol na ito?” Dahil sumasakanya ngang talaga ang kamay ng Panginoon.
Habang lumalaki ang bata, pinatatag siya ng espiritu. Nanirahan siya sa disyerto hanggang sa araw ng kanyang pagkakahayag sa Israel.
Pagninilay
Nagbibigay ng labis na galak ang kapanganakan ng isang tao sapagkat ang buhay ay isang regalo ng Diyos. Ganun din ang pagpili at pagbibigay ng pangalan sa sanggol. Ito ang naganap sa pagsilang kay Juan na ipinangako ng Diyos kina Zacarias at Isabel sa kabila ng kanilang katandaan. Kadalasang kamatayan ng isang santo ang ipinagdiriwang bilang kapistahan at bihira lang ang araw ng kapanganakan na ipinagdiriwang ng Simbahan. Si Juan ang itinuturing na pinakadakila sa lahat ng mga propeta. Siya ang sinugo upang ihanda ang daan ni Jesus. Ginampanan niya ang kanyang misyon na mangaral at magpatunay sa ka totohanan, humantong man ito sa pagdala sa kanyang ulo sa isang pinggan. Tinuturuan tayo ni Juan na maging banal sa pagiging payak, matuwid at saksi ng katotohanan. Pinabanal din ang ating mga pangalan sa araw ng ating binyag. Tulad ni San Juan, inatasan din tayo ng misyong maging saksi ng katotohanan. Masigasig natin itong tupdin at hangarin na kalugdan tayo di lamang ng mga tao, ngunit ang Diyos ang tunay na malugod sa ating pagtataguyod ng katuwiran at katotohanan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023




