Ebanghelyo: Mateo 10:26-33
Walang tinatakpan na di nabubunyag at walang natatago na di nahahayag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ipahayag ninyo sa liwanag. Ang narinig ninyo nang pabulong, ipahayag mula sa bubong.
Huwag matakot sa mga nakapapatay ng katawan ngunit hindi ng kaluluwa. Matakot kayo sa may kapangyarihang sumira ng kaluluwa pati ng katawan sa impiyerno. Nabibili ang maya nang dalawa isang pera, pero wala isa mang bumabagsak sa lupa na hindi niloloob ng Ama. At kayo, bilang na pati buhok sa inyong ulo. Kaya huwag kayong matakot: mas mahalaga kayo kaysa mga maya.
Ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko sa harap ng aking Ama sa Langit. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Ama sa Langit.
Pagninilay
Huwag kayong matakot! Ito ang salita ni Jesus na pampatibay-loob sa kanyang mga alagad. Ang kanilang pagsunod kay Jesus ay di nangangahulugang hindi sila magdaranas ng mga pagsubok at paghihirap sa buhay. Sa pagganap nila sa misyon ng pagpapahayag ng Mabuting Balita, nagbatá sila ng pagbabanta at pagpapakasakit. Marami sa kanila ang namatay bilang martir, na nag-alay ng kanilang mga sarili para pagyabong ng Kaharian ng Diyos. Sa kasaysayan ng ating pananampalata yang Kristiyano, marami ang kinilalang mga banal at martir na buong tapang na naging saksi ng kanilang pananampalataya sa harap ng pagpapakasakit at kamatayan. Ang kanilang dugo ang nagdilig sa Simbahan upang tumubo at lumago ang binhi ng pananampalataya ng mga nananalig sa Diyos.
Sa kabila ng mga takot at suliranin sa buhay, tinitiyak sa atin ni Jesus na hindi tayo dapat matakot. Nagkatawang-tao si Jesus at pumasok sa ating kasaysayan upang ipakita ang ating patutunguhan bilang mga mananampalataya sa Panginoon. Ang kanyang mga salita at halimbawa ang gabay natin sa pagtahak sa buhay na walang hanggan. Ginapi niya ang kamatayan sa kanyang Muling Pagkabuhay upang tayo’y mabigyan ng kasiguruhan at pag-asa sa buhay na walang hanggan.
Marapat lamang na manatili tayo kay Jesus sa gitna ng hirap at tukso sa mundo. Tulad ng mga banal at martir, maging tapat tayo sa ating pananampalataya sa pagharap sa mga pagsubok ng buhay. Gaya nila, lakas-loob tayong magpatotoo sa ating pananampalataya upang sa katapusan, makamit din natin ang kaharian ng langit. Dito matatamasa natin ang buhay na walang hanggan at kapayapaan sa harap ng Diyos na sa tuwina’y buong pag-ibig na tayo’y pinagmamasdan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023




