Ebanghelyo: Juan 6:51-58
Ako siyang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang laman ko ang tinapay na aking ibibigay alang-alang sa ikabubuhay ng mundo. Kaya nagtalu-talo ang mga Judio at nagsalita: “Paano tayo mabibigyan ng taong ito ng laman para kainin?” Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi n’yo kakanin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili. May buhay magpakailanman ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo, at itatayo ko siya sa huling araw. Sapagkat totoong pagkain ang aking laman at totoong inumin ang aking dugo. Ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay namamalagi sa akin at ako naman sa kanya. Sinugo nga ako ng Amang buhay at buhay ako dahil sa Ama, gayundin naman dahil sa akin mabubuhay ang ngumunguya sa akin. Ito ang tinapay na pumanaog mula sa Langit, hindi gaya sa inyong mga ninuno na kumain at nangamatay pa rin. Mabubuhay naman magpakailanman ang ngumunguya ng tinapay na ito.”
Pagninilay
Ngayong Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ni Kristo (Corpus Christi), pinapaalalahanan tayo ng tatlong katotohanan tungkol sa Eukaristiya. Una, ang Eukaristiya ay tanda ng malalim at malawak na pagmamahal ng Diyos. Sa Banal na Misa, iniaalay ni Jesus ang kaniyang sarili ipinapakita nito na tayo ay hindi kailanman iniiwan ng Diyos, lalo na sa ating mga pagsubok. Sa pag-aalay ng buhay ni Jesus pinaalalahanan tayong nariyan ang Diyos sa lahat ng aspeto at bahagi ng ating buhay. Ikalawa, ang Eukaristiya ay tanda ng pagkakaisa at pakikiisa. Tuwing tinatanggap natin si Kristo sa pamamagitan ng Banal na Komunyon, hindi lamang tayo nagiging kaisa Niya kundi nagkakaisa rin tayo bilang Simbahan, bilang iisang katawan ni Kristo. Ito ay paanyaya sa atin. Sa gitna ng mundong puro nakatuon lamang sa sarili (pagdami ng self-help books, mga katagang “my body, my rules”, selfie, at iba pang mga mentalidad na nagtutulak sa ating sarili ang unahin at isaalang-alang) ipinamumulat sa atin ang pakikiisa sa Diyos at sa ating kapwa. Panghuli, ang Eukaristiya ay nagbibigay-lakas upang tayo ay maging saksi ni Kristo sa mundo. Hindi natatapos ang ating pananampalataya sa loob ng simbahan kundi dapat itong makita sa ating gawa, lalo na sa paglilingkod sa nangangailangan. Ang hamon sa atin ngayon ay makiisa sa diwa ng Eukaristiya sa ating pang-arawaraw na buhay. Huwag nating hayaang maging isang ritwal lamang ang Banal na Misa kundi gawing inspirasyon upang maging mapagbigay, mapagpatawad, at mapagmahal sa kapwa. Nawa, sa pamamagitan ng ating katauhan, makita ng iba si Kristo sa atin.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




