Ebanghelyo: Mateo 8:1-4
Pagkababa ni Jesus mula sa bundok, maraming tao ang sumunod sa kanya.
Lumapit sa kanya ang isang may ketong, at paluhod na nagsabi: “Ginoo, kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” Iniunat ni Jesus ang kanyang kamay, hinipo siya at sinabi: “Gusto ko, luminis ka!” Nang oras ding iyo’y gumaling ang lalaki sa kanyang ketong. At sinabi ni Jesus sa kanya: “Mag-ingat ka, huwag mong sasabihin ito kanino man, kundi pumunta ka sa pari para suriin ka niya at ialay ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay.”
Pagninilay
Noong kumalat ang corona virus, naging obligado tayong magdoble ingat upang hindi tamaan ng sakit na iyon. Upang makaiwas, nakagawian nating maghugas ng kamay at mag suot ng “face mask”. Ang sakit na ketong noong panahon ni Jesus ay walang lunas at ito ay iniuugnay din sa kasalanang nagawa ng taong ketongin. Naniniwala ang mga tao noon na ito ay parusa ng Diyos sa taong makasalanan kaya naman ang mga ketongin ay inilalagay sa mga kweba. Bawal silang lapitan ng tao at lalong lalo na ang paghipo sa kanila dahil hindi lamang sakit ang hahawa kundi ang kanilang hindi pagiging malinis. Ngunit kabaligtaran ang nangyari. Nilapitan ito ni Jesus at hinipo at gumaling ito. Hindi nahawa si Kristo bagkus ay si Jesus ang nakahawa sa ketongin. Ang kagandahang-loob, pagpapatawad at pagmamahal ni Jesus ang pumasok sa buhay ng ketongin na naging daan ng kanyang kaagarang paggaling.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021