Ebanghelyo: Mateo 7:15-20
Mag-ingat sa mga bulaang propeta na lumalapit sa inyo na parang mga tupa pero mababagsik na mga asong-gubat naman sa loob. Makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga. Makapipitas ba ng ubas sa tinikan o ng igos sa
dawagan? Namumunga ng mabuti ang mabuting puno, at namumunga naman ng masama ang masamang puno. Hindi makapamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno naman ay hindi makapamumunga ng mabuti. Pinuputol ang anumang puno na hindi namumunga ng mabuting bunga at itinatapon sa apoy. Kaya makikilala
ninyo sila sa kanilang bunga.
Pagninilay
“Kilatisin ang kalooban.” Laganap ngayon ang paghihiwalay ng mag-asawa dahil sa kawalang-katapatan sa sinumpaan. Maraming mga pangako ang napako. At maraming mga puso ang umasa at nabigo. Totoo pa ba ang pangako? Meron pa bang tipang magpakailanman? Sa Unang Pagbasa, ipinapakita na kung mayroon mang tapat sa kanyang tipan at tumutupad
sa kanyang pangako, ito ay ang Panginoon. Bagama’t si Abram ay matanda na at baog pa, ipinangako ng Diyos sa kanya na pagkakalooban siya ng anak, at ng inapo na sindami ng bituin sa langit. Ito’y kanyang tinupad ng
isilang si Isaac. Sapagkat ayon sa salmo, “Nasa isip ng Maykapal ang tipan niya kailanman.” Sa ating Mabuting Balita, sinasabi sa atin ng Panginoon na kung totoo siya sa kanyang salita at tapat sa kanyang tipan, may mga
darating na bulaang propeta, o sa panahon ngayon mga bulaang mangingibig o kaibigan, na magaanyaya sa bulaang ugnayan at bulaang tipan. Kailangang kilatisin ang kanilang kalooban? Tingnan natin ang bunga, epekto, at impluwensya ng kanilang presensya. Nagbubunga ba ito ng paglago sa kabutihan o pagkaligaw sa kasamaan? Kailangan natin itong pagnilayan. Hilingin natin ang biyaya na makilatis ang katotohanan sa kasinungalingan sa ating mga ugnayan sapagkat dito nakabatay ang tipang magpakailanman.
© Copyright Pang Araw-araw 2025