Ebanghelyo: Mateo 16:13-19
Pumunta noon si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.” Sinabi niya sa kanila: “Ngunit sino ako para sa inyo?” At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Sumagot naman si Jesus: “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit.
At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.”
Pagninilay
Sa kapiyestahang ito ni San Pedro at San Pablo, tayo rin ay tinatanong ng Panginoon kung sino siya para sa atin? Mula pagkabata ay mayroon na tayong imahe ng Diyos. Natutunan natin ang tungkol dito sa ating mga magulang, sa simbahan o sa eskwelahan. Ngunit ang pag-aaral ay kakaiba sa karanasan. Maaaring ang isang tao ay nag-aaral ng Bibliya at sa mga kasaysayan ngunit hindi ito nangangahulugan na siya ay taga sunod ni Jesucristo. Marami tayong nalalaman ngunit walang puwang si Jesus sa ating puso. Inaanyayahan tayo na lumago sa ating pagkakilala kay Kristo. Hindi lamang ang mga naririnig nating patotoo ng ibang tao kay Jesus o ang sinasabi ng ating napag-aralan ang kinakailangang yumabong. Ang pinakaimportante ay ang ating personal na karanasan sa Kanya na naging daan ng ating pagbabago.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021