Ebanghelyo: Jn 2: 13-25
Malapit na noon ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon si Jesus pa- Jerusalem. Natagpuan niya sa patyo ng Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa at mga kalapati, at ang mga nakaupong tagapalit ng pera. Kaya gumawa siya ng panghagupit mula sa mga lubid, at ipinagtabuyan ang lahat mula sa Templo, pati ang mga tupa at mga baka, at isinabog ang pera ng mga tagapalit at ipinagtataob ang mga mesa. At sinabi niya sa mga nagtitinda ng mga kalapati: “Alisin n’yo ang mga ito! Huwag n’yong gawing palengke ang Bahay ng aking Ama.” Naalaala ng kanyang mga alagad na nasusulat: “Tinutupok ako ng malasakit sa iyong Bahay.” Kaya sumagot ang mga Judio: “Anong tanda ang maipapakita mo sa amin at ginagawa mo ito?” Sinagot sila ni Jesus: “Gibain n’yo ang templong ito, at ibabangon ko ito sa tatlong araw.” Sinabi naman ng mga Judio: “Apat-napu’t anim na taon nang itinatayo ang templong ito, at ibabangon mo ito sa tatlong araw?” Ngunit and templong katawan niya ang kanyang tinutukoy. Nang ibangon siya mula sa mga patay, naalaala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya naniwala sila sa Kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus. Nang nasa Jerusalem siya sa Piyesta ng Paskuwa, maraming nanalig sa kanyang Pangalan nang mapansin nila ang mga tandang ginagawa niya. Ngunit hindi naman nagtiwala si Jesus sa kanila dahil kilala niya ang lahat. Hindi niya kailangang may magpatunay tungkol sa isang tao dahil alam niya mismo kung ano nga ang nasa tao
Pagninilay
Hindi sa lahat ng panahon, nagiging epektibo ang pagiging mahinahon. May mga pagkakataong kailangang ipakita ang lakas ng personalidad lalo’t higit kung mayroong pagtawag para sa pagtutuwid ng mali. Sa mga ganitong okasyon, hindi katanggap-tanggap na itikom ang bibig at magbulag-bulagan na lang sapagkat ang dapat na mangibabaw ay ang pagmamalasakit sa kapwa upang gumawa ng tama. Naging agresibo si Jesus hindi sa udyok ng galit kundi dahil sa labis na pagmamahal sa bahay-dalanginan na hindi dapat maging lugar sa pananamantala sa mga tao o sa mga gawaing hindi naangkop dito. Kinailangan Niyang paalisin ang mga taong ginagawang palengke ang templo sa ganoong paraan upang mapagtanto nila ang mali nilang ginagawa. Pinanindigan Niya ang wastong pagpapahalaga sa mga banal na bagay at lugar. Kung natatakot tayong lumaban sa mali, matuto tayo kay Kristo. Huwag nating hayaang manatili ang mga ito nang wala tayong ginagawa. Ang pagtahimik o pagkibit-balikat sa harap ng mga anomalya ay nangangahulugan ng pagbibigay natin ng pahintulot upang ang mga ito’y manatili. Tumindig tayo sa tama at iwaglit ang mali. Katulad rin ni Jesus, pahalagahan natin mga bagay o lugar na banal. Isang halimbawa dito ang gusaling simbahan o kapilya. Mag-umapaw nawa sa ating puso ang pagmamalasakit dito sa pamamagitan ng mga nakikitang gawa ng pitagan sa simbahan at sa mga pagdiriwang na nagaganap dito.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024