Ebanghelyo: Lc 15: 1-3, 11-32*
(…)Sinabi pa rin ni Jesus: “May isang taong may dalawang anak na lalaki. Sinabi ng bunso sa kanyang ama: ‘Itay, ibigay na ninyo sa akin ang parte ko sa mana.’ At hinati sa kanila ng ama ang ari-arian. Pagkaraan ng ilang araw, tinipon ng bunsong anak ang lahat ng kanya at naglakbay sa malayong lupain. Doon niya winaldas ang sa kanya sa maluwag na pamumuhay. Nang maubos na ang lahat sa kanya, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing ’yon at nagsimula siyang maghikahos. Kaya pumunta siya at namasukan sa isang tagaroon, at inutusan siyang mag-alaga ng mga baboy sa bukid nito. At gusto sana niyang punuin kahit na ng kaning-baboy ang kanyang tiyan pero wala namang magbigay sa kanya. Noon siya natauhan at nag-isip: (…) Titindig ako, pupunta sa aking ama, at sasabihin ko sa kanya: ‘Itay, nagkasala ako laban sa langit at sa harap mo. Hindi na ako karapatdapat pang tawaging anak mo; ituring mo na akong isa sa iyong mga arawan.’ (…)
Pagninilay
Ang amang mayaman sa pagpapatawad sa “Alibughang Anak” ang siyang kinatawan ng mga magulang na walang inaasam kundi ang kabutihan ng kanilang mga anak. Ang mga magulang ang unang matatakbuhan sa gitna ng mga patung-patong na pagsubok sa buhay. Sila ang palaging nilalayuan pero sila pa rin ang unang binabalikan. Sila ang palaging pinaghihintay sa mga desisyon o mga bagay na pinag-iisipan pero sila pa rin ang unang nakaabang upang yakapin at hagkan ang kanilang mga anak lalo na sa mga oras ng kabiguan. Sila ang unang pinaiiyak dahil sa kamalian ng mga anak pero sa huli, sila pa ang magpupunas ng kanilang mga luha. Ang amang mayaman sa pagpapatawad ay siya ring mukha ng Diyos ng habag. Gaano man kalaki ang ating pagkakasala, kung handa lamang tayong umamin sa diwa ng kababaang-loob, tiyak na mapapatawad tayo sa mga mali nating nagagawa. Hindi ang Diyos ang humihiwalay sa atin; tayo ang lumalayo sa Kanya dala ng ating mga paulit-ulit na pagkakasala. Subalit, lagi naman Siyang nakasubaybay upang Kanyang ipamalas ang wagas Niyang pagpapatawad. Makilala nawa tayo hindi bilang mga “Alibughang Anak” kundi mga “Anak na naghahangad na mapatawad.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2024