Ebanghelyo: Marcos 12:28-34
May isang guro ng Batas na nakarinig sa pagtatalo nila. Nang mapansin Niyang tama ang sagot ni Jesus sa mga Sadduseo, lumapit Siya at nagtanong kay Jesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?”
Sumagot si Jesus na “Ito ang una: Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoong ating Diyos. At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, nang buo mong pag-iisip at nang buo mong lakas. At pangalawa naman ito: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Wala nang utos na mas mahalaga pa kaysa mga ito.”
Kaya sinabi ng guro ng Batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa Kanya. At ang mahalin Siya nang buong puso at nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarili ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at mga alay.”
Nakita ni Jesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi Niya: “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong sa Kanya.
Pagninilay
Buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip, buong lakas. Buo ang pagmamahal. Buong sarili ang ibinibigay sa pagmamahal sa Diyos, ganun din sa tao. Ang pagbigkas ng “Oo” ng dalawang ikinakasal ay dapat na buong- buo. Ang panunumpa ng isang pari o relihiyoso sa harap ng altar ay kinakailangan ding buong-buo. Hindi maaaring may pag-aalinlangan o reserbasyon. Sa mundong mapang-akit, minsan ay matutukso tayong ibigay ang kalahati ng ating puso sa yaman, katanyagan at kapangyarihan. Ito ang mga bagay na inaakala nating siyang tunay na magbibigay ng lubos na kaligayahan. Sa katotohanan, ang lahat ng ito ay maglalaho at isang bagay lamang ang mananatili, ang pagibig. Diyos ay pag-ibig! Sa bandang huli, siya ang tunay na magiging tapat na mangingibig. Buong-buo ang kanyang pagmamahal, buongbuo rin sana ang sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021