Ebanghelyo: Marcos 12:28-34
May isang guro ng Batas na nakarinig sa pagtatalo nila. Nang mapansin niyang tama ang sagot ni Jesus sa mga Sadduseo, lumapit siya at nagtanong kay Jesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?” Sumagot si Jesus na “Ito ang una: Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoong ating Diyos. At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, nang buo mong pag-iisip at nang buo mong lakas. At pangalawa naman ito: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Wala nang utos na mas mahalaga pa kaysa mga ito.” Kaya sinabi ng guro ng Batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa kanya. At ang mahalin siya nang buong puso at nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarili ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at mga alay.” Nakita ni Jesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi niya: “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong sa kanya.
Pagninilay
Sa ebanghelyo, ang pagkakatulad ng dalawang utos na binanggit ni Jesus ay ang tawag sa pagibig. Samantalang ang pagkakaiba naman ay sa layunin ng ating pagmamahalan at sa kabuuan ng ating pagmamahalan. Sa unang utos ay ang Diyos ang dapat ibigin; sa pangalawa ay ang kapwa. Ang Diyos lamang ang dapat mahalin nang buong puso, kaluluwa, isip at lakas. Ipinahayag ni Jesus sa eskriba na ang pinakamahalaga sa tradisyon ng mga Hudyo ay ang pag-ibig. Ito ay ang pag-ibig ng Diyos sa buong pagkatao, na umaapaw sa pag-ibig sa mga minamahal ng Diyos, sa kapwa. Ang pag-ibig ay nasa puso ng pananampalataya ng mga Hudyo at ito rin ay nasa puso ng Ebanghelyo na ipinangaral at isinabuhay ni Jesus. Ang pag-ibig, gaya ng kinatawan ni Jesus, ay nasa puso ng ating pananampalatayang Kristiyano ngayon.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





