Ebanghelyo: Mateo 18:21-35
Nagtanong naman si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?” Sumagot si Jesus: “Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu’t pitong beses.
Tungkol sa kaharian ng Langit ang kasaysayang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang mga utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang na sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili at maging alipin siya kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad-utang.
At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang.
Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng ‘Bayaran mo ang utang mo!’ Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko sa iyo.’ Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang.
Labis na nalungkot ang iba nilang kapwa-lingkod nang makita ang nangyari. Kaya pinuntahan nila ang kanilang panginoon at ibinalita ang buong pangyayari. Ipinatawag naman niya ang opisyal at sinabi: ‘Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat ng iyong utang nang makiusap ka sa akin. Di ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nito ang lahat ng utang.”
Idinagdag ni Jesus: “Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid.”
Pagninilay
Ang pagpapatawad ay isang nakakatawang bagay. Kapag tayo ang nasaktan, alam natin na hindi ito isang madaling bagay, lalo na kapag ang nakasakit sa atin ay yaong mga mahahalagang tao sa buhay natin. Ang pagpapatawad ay nangangailangan ng hindi lamang lakas ng loob at pag-ibig. Hindi rin maiiwasan na may kasama itong kirot at sakit. Kaya nga kapag tayo ang humihingi ng kapatawaran, hindi natin ito binabalewala lang.
Kapag ang pinsala ay malalim at kapag ang pagkakanulo ay hindi ina-asahan, ang kapatawaran ay maaa-ring maging isang napakahirap na bagay. Kailangan nating ipanalangin ito sapagkat ang grasya lamang ng Diyos ang tunay na nagbibigay-daan sa atin na magpatawad. At kailangan nating naisin na ipagdasal ito dahil mahaba ang proseso ng pagpapa-tawad. Sa pamamagitan lamang ng pagpapatawad tayo maaring ma bu-hay nang malaya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022