Ebanghelyo: Lucas 1:26-38
Sa ikanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng birhen.
Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito.
At sinabi ng anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataastaasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.”
Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” At sumagot sa kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataastaasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at siyang itinuturing na baog ay nasa ikaanim na buwan na. Wala ngang imposible sa Diyos.”
Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
Pagninilay
Isang dalaga, mula sa munting bayan ng Nazareth na itinakdang pakasal kay Jose, ang pinili ng Diyos upang maging ina ng kanyang bugtong na Anak. Isang pangyayaring mahirap maunawaan ng isip ng tao. Nabagabag si Maria sa pagpapakita ng anghel at pagpapahayag ng plano ng Diyos sa kanya. Natakot siya sapagkat hindi madaling unawain ang mga salitang kanyang narinig. Gayun pa man, nangibabaw pa rin ang kanyang pananalig kung kaya’t kanyang tinanggap ang nasabing plano ng Diyos. Sa kanyang pananalig at pananampalataya sa Diyos, inalay ni Maria ang kanyang sarili sa paglilingkod para sa katuparan ng plano ng kaligtasan. Sa halimbawa ni Maria, maging bukas din nawa ang ating mga sarili upang matupad at maging kabahagi tayo ng plano ng Diyos sa atin. Isilang din nawa natin si Jesus sa ating mga buhay upang tayo’y maging saksi sa sanlibutan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023