Ebanghelyo: Juan 13:21-33, 36-38
Pagkasabi ng mga ito, nabagabag ang kalooban ni Jesus, at nagpatunay:
“Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Nagtinginan ang mga alagad at pinagtatakhan kung sino ang tinutukoy niya. Nakahilig sa tabi ni Jesus ang isa sa kanyang mga alagad, ang mahal ni Jesus. Kaya tinanguan ito ni Simon Pedro para usisain si Jesus kung sino ang kanyang tinutukoy. Kaya paghilig niya sa tabi ni Jesus, sinabi niya sa kanya: “Panginoon, sino ba iyon?” Sumagot si Jesus: “Siya iyong ipagsasawsaw ko ng kapirasong tinapay at siya kong bibigyan.” At pagkasawsaw ng kapirasong tinapay, ibinigay niya iyon kay Judas, anak ni Simon Iskariote. Kasunod ng kapirasong ito, pumasok sa kanya si Satanas. Kaya sinabi sa kanya ni Jesus: “Magmadali ka sa gagawin mo.” Walang nakaunawa sa mga nakahilig sa hapag kung ba’t sinabi niya iyon sa kanya. Dahil nakay ni Judas ang bulsa, inakala ng ilan sa sinasabi sa kanya ni Jesus: “Bumili ka ng mga kailangan natin para sa Piyesta,” o kaya’y mag-abuloy sa mga dukha. Kaya pagkakuha niya sa kapirasong tinapay, agad siyang lumabas. Gabi noon. Pagkalabas ni Judas, sinabi ni Jesus: “Niluwalhati na ngayon ang Anak ng Tao, at niluwalhati rin sa kanya ang Diyos. At agad naman siyang luluwalhatiin ng Diyos sa sarili nito. Mga munting anak, sandali na lamang n’yo akong kasama. Hahanapin ninyo ako at gaya ng sinabi ko sa mga Judio sinasabi ko rin sa inyo ngayon, ‘Kung saan ako papunta, hindi kayo makaparoroon.’ Sinabi sa kanya ni Simon Pedro: “Panginoon, saan ka papunta?” Sumagot si Jesus: “Hindi ka makasusunod ngayon sa akin saan ako papunta; susunod ka pagkatapos.” Winika sa kanya ni Pedro: “Panginoon, bakit hindi ako makasusunod ngayon? Maiaalay ko ang aking buhay alang-alang sa iyo.” Sumagot si Jesus: “Iaalay mo ang buhay mo alang-alang sa akin? Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, hinding-hindi titilaok ang tandang hanggang makaitlo mo akong maitatuwa.”
Pagninilay
Sa Ebanghelyo ngayon mas tumaas na ang tensyon sa pagitan ng mga alagad. Binabanggit na ni Jesus na sa mga susunod na panahon na siya’y mawawala. Hindi nababatid ng mga alagad kung ano ang ibig sabihin ni Jesus, pero alam natin na ang tinutukoy Niya ay ang Kaniyang nalalapit na pagpapakasakit at pagkamatay sa krus. Naroon din si Judas Iscariote na binigyan ni Jesus ng tinapay at batid natin na ang magiging kapalit nito ay ang kasumpa-sumpang niyang halik. Naroon din si Pedro, na nagsabing hinding-hindi niya itatatwa si Jesus, pero kalaunan ay tinatwa niya rin sa harap ng pag-aakusa ng mga Hudyo. Sa gitna ng lahat ng pangyayaring ito at sa nalalapit na pag-aalay ng sarili ni Jesus, ano ang dapat nating matutunan bilang mga alagad ni Jesus? Una, tingnan natin ang nangyari kay Judas. Nang “pumasok sa kanya si Satanas”, ibig sabihin ay naging kumpirmasyon na ito ng kanyang desisyon na ipagkanulo si Jesus. Mas mahalaga pa sa kanya ang kanyang sarili kaysa sa pagmamahal ni Jesus. Pangalawa, tingnan natin ang nangyari kay Pedro. Alam natin na sa susunod na mga araw maririnig natin na itinakwil ni Pedro si Jesus. Ngunit bago mangyari ito, binaggit niya dito sa pagbasa na hindi niya ito iiwan.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





