Ebanghelyo: Juan 17:11b-19
Sinabi ni Jesus: “Wala na ako sa mundo ngunit nasa mundo pa sila habang papunta ako sa iyo. Amang banal, ingatan mo sila sa iyong Pangalang ibinigay mo sa akin upang maging isa sila gaya natin. “Nang kasama nila ako, iningatan ko sila sa iyong Pangalang ibinigay mo sa akin, at pinangalagaan ko sila at wala sa kanilang napahamak liban sa nagpahamak sa kanyang sarili upang maganap ang Kasulatan. At ngayon, papunta ako sa iyo at sinasabi ko ang mga ito habang nasa mundo upang maganap sa kanila ang aking kagalakan.
“Ibinigay ko sa kanila ang salita mo at napoot sa kanila ang mundo sapagkat hindi sila mula sa mundo gaya nang hindi ako mula sa mundo. Hindi ko ipinapakiusap na alisin mo sila sa mundo kundi pangalagaan mo sila sa masama.
“Hindi sila mula sa mundo gaya nang hindi ako mula sa mundo. Pabanalin mo sila sa katotohanan. Katotohanan ang salita mo. Kagaya nang ako’y sinugo mo sa mundo, sinugo ko rin sila sa mundo. At alang-alang sa kanila’y pinababanal ko ang aking salita upang pati sila’y pabanalin sa katotohanan.”
Pagninilay
Labis na pagkabahala at pagkatakot ang nararamdaman ng ilan sa tuwing binabasa natin ang apokalipsis, lalo na sa mga simbolo o babala na napapaloob dito. Tayo ay napapatanong sa ating sarili, kailan nga ba ang wakas ng mundo? Ngunit kung ating susuriin ang pinagdadaanan ng ating bansa sa kasalukuyan, masasabi nating tayo ay nasa “end times” na ngunit hindi ito nangangahulugan ng wakas. Ito ay dahil sa ang labanan ng pwersa ng Langit at pwersa ng kadiliman ay mararanasan ngayon. Nandiyan ang kurapsiyon, inhustisya, pagkagutom at pagpatay sa mga inosente at walang muwang. Ngunit hindi dapat tayo mawalan ng loob sa mga kaganapang ito. Alalahanin natin na sa panalangin ni Jesus para sa kanyang mga disipulo ay ang kanilang pagwawagi laban sa kasamaan. Ang kabutihan lagi ang nananaig sa huli.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021