Ebanghelyo: Mc 9: 14-29* (o Jn 19: 25-34)
(…) “Guro, dinala ko sa iyo ang aking anak na lalaki na inaalihan ng isang piping espiritu. (…) Hiningi ko sa iyong mga alagad na palayasin ito pero hindi nila kaya.“ Sumagot si Jesus: “Mga walang pananampalataya! Gaano pa katagal akong mananatili sa piling ninyo? Hanggang kailan ako magtitiis sa inyo? Dalhin siya rito sa akin.“ (…) Tinanong naman ni Jesus ang ama: “Gaano na katagal na nangyayari ito sa kanya?“ At sumagot ang ama: “Mula pa sa pagkabata at madalas nga siyang inihahagis sa apoy o sa batis para patayin. Ngunit kung kaya mo, maawa ka sa amin at pakitulungan kami.“ Sinagot siya ni Jesus: “Ano itong ‘kung kaya mo’? Lahat ay posible sa sumasampalataya.“ At agad na sumigaw ang ama ng bata sa pagsasabing “Sumasampalataya ako pero tulungan mo ang maliit kong pananampalataya.“ Nakita ni Jesus na nagsisitakbo at lumalapit na ang mga tao kaya iniutos niya sa masamang espiritu: “Pipi at binging espiritu, inuutusan kitang lumabas sa kanya at huwag nang bumalik.“ Nagsisigaw ang espiritu at inilugmok ang bata sa lupa bago lumabas. (…) Pagkapasok ni Jesus sa bahay, tinanong siya ng mga alagad nang sarilinan: “Bakit hindi namin napalayas ang espiritu?“ Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sa panalangin lamang mapalalayas ang ganitong klaseng espiritu.“
Pagninilay
Ang desperadong ama sa Ebanghelyo ni San Marcos ay dapat mapagkukunan ng malaking pampatibay-loob sa ating lahat na nagpupunyagi sa ating pananampalataya. Tinawag niya si Jesus nang may payak na paniniwalang taglay ngunit matindi ang panalangin, “Naniniwala ako; tulungan mo ako lawakan mo ang aking paniniwala!” Agad na tumugon si Jesus sa kanyang kahilingan na hindi nagawa ng Kanyang mga alagad at napatunayang nabigo ang mga ito. Kung minsan tayo rin ay nakadarama ng pagkabigo ngunit tulad ng ama sa kwento hindi tayo dapat tumigil. Bagkus, kailangang patuloy tayong humanap ng paraan dahil si Jesus ay may tugon sa lahat ng ating kahilingan sa tamang panahon. Ang Diyos na Buhay ay laging nakaalalay sa atin. Ipinagbubunyi rin natin ngayon ang Kapistahan ni Maria na ating Ina, Ina ng Simbahan. Si Maria na laging nakasaklolo sa ating pighati, pagkabigo at sa ating kagalakan. Bilang Ina ng Simbahan, si Maria ay ehemplo ng isang lubos na pagtitiwala sa Diyos sa kanyang “Fiat”.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024