Ebanghelyo: Juan 16:16-20
Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin, at sandali pa at makikita ninyo ako.” At sinabi ng kanyang mga alagad sa isa’t isa: “Ano itong sinasabi niya sa atin: ‘Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin at sandali pa at makikita ninyo ako.’ At ‘Papunta ako sa Ama’?” At sinabi nila: “Ano ba itong sinasabi niyang ‘sandali’? Hindi natin maintindihan ang sinasabi niya.” Naintindihan ni Jesus na gusto nila siyang tanungin kaya sinabi niya sa kanila: “Nagtatanungan kayo tungkol dito dahil sinabi kong ‘Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin, at sandali pa at makikita ninyo ako.’ Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, iiyak kayo at tataghoy, at magagalak naman ang mundo. Maninimdim kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong paninimdim.
Pagninilay
Batid ni Jesus na malapit na ang oras ng kanyang pagtupad sa mga plano ng Ama. Isang kaganapan na tanging si Jesus lamang ang tunay na nakakaalam. Kahit ang mga apostol ay hindi lubusang naunawaan kung ano ba talaga ang kahulugan ng kanyang salita, “Iiyak kayo at tataghoy, at magagalak naman ang mundo. Maninimdim kayo ngunit kagalakan ang inyong paninimdim.” Nalalaman ni Jesus na mahal siya ng kanyang mga alagad ngunit hindi pa rin maliwanag sa kanila ang tunay niyang pakay at misyon. Nang kanilang mapagtanto ang mga binilin at binahagi Niya, naging daan ito upang sila rin mismo ay magbahagi ng kanilang mga natutunan, narinig, nakita at naranasan
kay Jesus. At kahit hindi na natin kapiling si Jesus, patuloy pa rin siyang gagabay at magpapaalaala sa atin na muli natin siyang makikita sa takdang oras na itinadhana ng Ama.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020