Ebanghelyo: Mc 10: 13-16
May nagdala naman kay Jesus ng mga bata para hipuin niya sila. Ngunit pinagalitan ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila. At pagkakita ni Jesus, nagalit siya at sinabi sa kanila: “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pigilan. Sa mga tulad nga nila ang kaharian ng Diyos. Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi papasok sa kaharian ng Diyos ang di tumatanggap dito gaya ng isang maliit na bata.“ At pagkakalong sa kanila ni Jesus, ipinatong niya sa kanila ang kanyang mga kamay para basbasan sila.
Pagninilay
“Hayaan ang mga bata na lumapit sa akin at huwag silang pigilan, sapagkat ang kaharian ng Diyos ay para sa mga tulad nito.” Mk. 10:14. Bakit binigyang-diin ni Jesus na ang kaharian ng Diyos ay katulad ng mga bata? At inanyayahan tayo ni Jesus na maging katulad nila. Anong mahalagang aspeto ang nasa mga bata maliban sa kanilang pagiging inosente, maamo, masunurin, at iba pa? Ito ay ang pagiging “dependent” at pagtitiwala sa kanilang mga magulang o sa mga nakakatanda sa kanila. Ito rin ang nais ni Jesus na lagi tayong umaasa sa Kanyang kakayahan na bigyan tayo ng mabuti at masaganang buhay. Bilang mga anak ng Diyos, nais ni Jesus na sa Kanya tayo aasa at magtitiwala ng buong puso na hindi Niya tayo pababayaan. Kung tayo ay nasa hustong gulang na at mayroong sariling kakayahan, inaakala natin na sa ating sariling kakayahan at pagsisikap lamang magmumula ang katuparan ng ating hinahanap at nakakaligtaan natin na lahat ay nanggagaling sa pahintulot at habag ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024