Ebanghelyo: Juan 19:25-34
Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng kanyang ina, si Maria ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Jesus sa Ina at sa alagad na mahal niya na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa Ina: “Babae, hayan ang anak mo!” pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyon, tinanggap siya ng alagad sa kanyang tahanan. Pagkaraan nito, alam ni Jesus na ngayo’y natupad na ang lahat. Ngunit kailangang maganap ang kasulatan, at sinabi niya: “Nauuhaw ako!” May sisidlan doon na puno na maasim na alak. Kaya ikinabit nila sa isopo ang isang esponghang ibinabad sa alak at idiniit sa kanyang bibig. Pagkasipsip ni Jesus ng alak, sinabi niya: “Natupad na!” At pagkayuko ng ulo’y ibinigay ang espiritu. Dahil pagjhahanda noon, ayaw ng mga Judio na mamalagi sa Krus ang mga katawan sa Araw ng Pahinga sapagkat dakilang araw ang Araw na iyon ng Pahinga. At ipinakausap nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nasa Krus at saka alisin. Kaya pumaroon ang mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng una at ng isa pang kasama nioyang ipinako sa Krus. Ngunit pagsapit nila kay Jesus, nakita nilang patay na siya kaya hindi nila binali ang kanyang mga binti. Gayunma’y sinibat ng isa sa mga sundalo ang kanyang tagiliran, at biglang may umagos na dugo at tubig. Ang nakakita ang nagpapatunay, at totoo ang kanyang patunay. At Siya ang nakaaalam na totoo ang sinasabi niya para maniwala kayo.
Pagninilay
Hindi man ganoon karami ang nasusulat tungkol sa mga babaeng tagasunod ni Jesus ay may malaking papel pa rin silang ginampanan sa misyon, hindi lamang bilang mga tagasunod, kundi pati na rin ang kanilang kawanggawa. Sa pagdiriwang natin ngayon sa Kapistahan ni Maria, Ina ng Simbahan ay pinapaalalahanan tayo na wala sa edad, kasarian at estado ng buhay ang pagsunod at pagsisilbi sa Panginoon. Ang pagtitiwala na ginawa ni Jesus kina Maria at sa mahal niyang alagaday pagtitiwala sa lahat ng naniniwala sa kaniya. Ang pagtitiwalang ito ay sumasalamin sa pagtitiwala ng Diyos sa bawat isa sa atin na pangalagaan natin ang bawat isa. Sa kaniyang huling sandali sa krus ay ipinakita ni Jesus ang buong pagtitiwala niya sa Ama, sa likod ng hirap at mga sakit na naranasan ay kaniyang ipinagkatiwala ang kaniyang sarili sa Ama. Gayun din naman, sa kabila ng mga pagsubok at hamon sa buhay na pinagdaraanan natin ay lagi nating asahan ang pananatili ng presensya ng Diyos sa piling natin. Huwag din natin kalilimutan na mayroon tayong isang Ina na sa tuwina’y laging
handang mamagitan at idulog ang bawat panalangin natin sa paanan ng kanyang anak. Nawa’y lagi nating tandan na tayo’y nabibilang sa isang simbahan, at may Ina ang ating simbahan na siyang nag-uugnay sa atin at sa kanyang Anak.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





