Ebanghelyo: Mc 10: 28-31
Nagsalita naman si Pedro at sinabi: “Iniwan namin ang lahat para sumunod sa iyo.” Sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: walang nag-iwan ng tahanan, mga kapatid, ina at ama at mga anak at mga bukid alang-alang sa akin at sa Ebanghelyo na walang gantimpala. Tatanggap nga siya ngayon ng makasandaang beses ng mga tahanan, mga kapatid, mga ina at mga anak at mga bukid sa gitna ng mga paguusig, at sa panahong darating nama’y makakamit niya ang buhay na walang hanggan. May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.
Pagninilay
Sa Ebanghelyo, ang pangungusap ni San Pedro ay isang paghahangad ng kasiguraduhan kung ano ang gantimpala sa kanilang pagsunod kay Kristo pagkatapos nilang iwanan ang lahat. Bilang tao, normal sa atin ang maghahanap ng kapalit kung ano ang ating ibinibigay o nagawa sa iba, lalo na kung malaki ang naisakripisyo natin. Sinisiguro naman ni Jesus na naunawaan niya ito. Kaya’t sinasabi Niya na may mas higit pa sa kung ano ang kanilang ibinibigay na babalik sa kanila; pagsisiguro na walang masasayang sa anumang sakripisyong kanilang gagawin. Katulad ng mga disipulo, tayo rin ay nagtatanong ng ganito, naghahanap ng kapalit sa ating nagawa o ibinibigay dahil sa ating adhikain na tumugon sa panawagan ni Jesus. Patuloy tayong inaanyayahan ni Jesus na sumunod sa Kanya at tinitiyak Niya na anumang tanda ng pag-ibig sa ating mga ginagawa ay gagantimpalaan. Hilingin natin ang grasya sa pamamagitan ng Espiritu Santo na lagi nating maunawaan ang higit na gantimpalang inilalaan ni Jesus sa atin sa pagsunod at pagsasabuhay ng Ebanghelyo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024