Ebanghelyo: Lucas 17:7-10
Ipagpalagay nang may katulong na nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa ang isa sa inyo. Ano’ng sasabihin niya rito pagbalik nito galing sa bukid? Sasabihin kaya niya: ‘Halika na’t dumulog sa hapag’? Sa halip ay sasabihin niya: ‘Ihanda mo ang aking pagkain; magbihis ka’t pagsilbihan ako habang kumakain ako’t umiinom, at saka ka na kumain at uminom.’ Dapat kaya kayong tumanaw ng utang-na-loob sa utusang iyon dahil ginawa nito ang iniutos? Gayundin naman sa inyo. Pagkagawa ninyo sa lahat ng iniutos sa inyo, sabihin ninyo: ‘Mga karaniwang utusan kami; ginawa lang namin ang dapat naming gawin’.”
Pagninilay
Simple ang mensahe ng talinghagang binigkas ni Jesus na matatagpuan lamang sa ebanghelyo ni San Lucas. Ito’y ang tawag sa atin na isabuhay ang pagiging lingkod sa Diyos at sa ating kapwa. Si Jesus mismo ay nagbigay sa atin ng halimbawa nang sinabi niya: ‘Ang Anak ng Tao’y hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod.’ (Mc 10:45). Gayundin naman, maisasabuhay natin ang tunay na paglilingkod sa pamamagitan ng paglalagak ng panahon sa mga mahihirap – sa panahon ni Jesus, ang mga anawim. Naghihintay sila ng isang Mesiyas na hindi tulad ng isang hari, mataas na saserdote o hukom, kundi bilang isang mapagkumbabang Lingkod ni Yawe.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020