Ebanghelyo: Lucas 18:1-8
Dapat laging manalangin at huwag masiraan ng loob – ito ang sinabi ni Jesus sa kanila sa isang talinhaga. Sinabi niya: “Sa isang lunsod, may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang pakialam sa mga tao. May isa ring biyuda sa lunsod na iyon na madalas pumunta sa kanya at sinasabi:
‘Igawad mo sa akin ang katarungan laban sa aking kalaban.’ Matagal siyang umayaw pero naisip niya pagkatapos: ‘Wala man akong takot sa Diyos at walang pakialam sa tao, igagawad ko pa rin ang katarungan sa biyudang ito na bumubuwisit sa akin at baka masiraan pa ako ng ulo sa pagpunta-punta niya’.” Kaya idinagdag ng Panginoon: “Pakinggan ninyo ang sinabi ng di-matuwid na hukom. Di ba’t igagawad ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na araw-gabing tumatawag sa kanya? Pababayaan ba niya sila? Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila ang katarungan. Ngunit pag dating ng Anak ng Tao, makakakita kaya siya ng
pananampalataya sa lupa?”
Pagninilay
“Huwag mawalan ng pag-asa.” Minsan kana bang nawalan ng pag-asa? Sa Mabuting Balita, inilahad kung paano nangibabaw ang determinasyon ng isang biyuda na maigawad ang katarungan sa kanya. Bagamat may pag-aalinlangan, pinagbigyan ng hukom ang biyuda dahil sa kanyang matinding pagsusumikap. Sa ating pang-araw-araw na buhay, kadalasang nangyayari na kapag hindi natin nakakamit ang ating minimithi o tayo ay napupunta sa direksyon na hindi natin gusto, agad tayong nagiging malungkot at nagrereklamo. Sa halip nito, maaari nating tularan ang determinasyon ng biyuda sa Ebanghelyo. Huwag tayong mawalan ng pag-asa sa halip ay patuloy na manalig sa Diyos. Sa Mabuting Balita, ipinapakita na ang Diyos ay higit sa isang hukom na napipilitan lamang. Alam Niya kung kailan natin kailangan ng tulong at biyaya. Kaya matutunan natin na magtiwala, maghintay, at laging umasa sa Kanyang kabutihan at awa. Sa bawat sandali, siguraduhing nakaasa tayo sa mga biyayang darating mula sa Diyos, dahil kailanma’y hindi Niya tayo pababayaan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





