Ebanghelyo: Lucas 20:27-40
Lumapit noon ang ilang Sadduseo na mga taong tutol sa pagkabuhay. At itinanong nila kay Jesus: “Guro, isinulat ni Moises para sa amin: ‘Kung may magkakapatid na lalaki at mamatay na walang anak ang isa sa kanila, kailangang kunin ng kanyang kapatid ang kanyang asawa para magpasibol ng supling sa kanyang kapatid.’ Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. Kinuha ng pangalawa ang biyuda, at pagkatapos ay ng pangatlo naman, pero hindi nagkaanak ang pito. Namatay sila at sa bandang huli’y namatay rin ang babae. Sa pagkabuhay, kanino sa pito siya maituturing na asawa? Ang pito nga ang umangkin sa kanya.” Sinagot sila ni Jesus: “Nag-aasawa ang mga taong nasa daigdig na ito, lalaki man o babae. Ngunit hindi na mag-aasawa ang mga ituturing na karapat-dapat sa kabilangbuhay at sa pagkabuhay ng mga patay, lalaki man o babae. Hindi na nga sila mamamatay. Kapantay na sila ng mga anghel at mga anak sila ng Diyos matapos silang ibangon. Tiyak na may pagkabuhay ng mga patay; ipinahiwatig ito kahit na ni Moises sa kabanata ng palumpong nang tawagin niyang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob ang Panginoon. Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, at buhay na kasama niya silang lahat.” Nagsalita ang ilang guro ng Batas: “Guro, talaga ngang tama ang iyong sinabi.” Mula noo’y wala nang nangahas na magtanong pa sa kanya.
Pagninilay
Sa mga taong hindi naniniwalang may langit, tulad ng mga Saduseo, iisa ang paliwanag ni Jesus: saklaw ng paglingap ng Diyos kahit na ang mga naunang yumao sa atin. Ang Kanyang pag-ibig ay lampas sa hangganan ng kamatayan. Sa Kanyang pag-ibig ay walang pagpanaw . “Siya ang Diyos ng ating mga ninuno na sina Abraham, Isaac at Jacob.” Makahulugan ang mensahe ng awit na “Sana’y wala nang wakas.” Tila ang Diyos ang nagpapahayag sa atin ng nakasaad sa isang linya nito: “Walang hanggan ay hahamakin… ‘pagkat walang katapusan kitang iibigin.” Ganito rin ang sinasabi ng spiritual writer na si Henri Nouwen: “Love – deep, human love – does not know death… It will always reach out toward the eternal.”
Sa buhay na ito, nagsisimula na tayong magpunla ng binhi ng walanghanggang buhay. Sa pag-aalay natin ng panahon, talino at yaman para itaguyod ang kanyang Paghahari, nasusulyapan na natin ang langit na gantimpala.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





