Ebanghelyo: Lucas 18:35-43
Nang malapit na si Jesus sa Jerico, may isang bulag doon na nakaupo sa tabi ng daan at nagpapalimos. Nang marinig niya ang maraming taong nagdaraan, itinanong niya kung bakit. At may nagsabi sa kanya: “Sina Jesus na taga-Nazaret ang dumaraan.” Kaya sumigaw siya: “Jesus, Anak ni David, maawa ka sa akin.” Pinagsabihan siya at pinatahimik ng mga nauuna pero lalo naman niyang nilakasan ang sigaw: “Anak ni David, maawa ka sa akin.” Kaya tumigil si Jesus at ipinadala ang bulag sa kanya, at nang malapit na ay itinanong: “Ano’ng gusto mong gawin ko sa iyo?” Sinabi nito: “Panginoon, makakita sana ako.” At sinabi ni Jesus: “Manumbalik ang paningin mo, iniligtas ka ng iyong pananalig.” Agad siyang nakakita at niluluwalhati ang Diyos na sumunod kay Jesus. At nagpuri rin sa Diyos ang lahat ng nakakita rito.
Pagninilay
Hindi biro ang magkaroon ng isang kapansanan, lalo ang pagiging isang bulag. Tandang tanda ko pa si Mang Chavo na natagpuan ko na mag-isang naglalakad sa kalye hawak lamang ang kanyang bastón. Di man niya ako kilala ngunit malaki ang pasalamat niya nang sinamahan ko siya sa kanyang patutunguhan. Ano pa kaya ang kagalakan ng isang taong nanumbalik ang kanyang paningin at muling naramdaman ang dakilang pagmamahal at awa ng Diyos? Ito ang tunay na himala, ang maranasan ang bagong buhay dahil sa ating pananampalataya sa dakilang kaligtasan ng Panginoon na tuwina sa ati’y gumagabay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020