Ebanghelyo: Lucas 20:27-38
Lumapit noon ang ilang Sadduseo na mga taong tutol sa pagkabuhay. At itinanong nila kay Jesus: “Guro, isinulat ni Moises para sa amin: ‘Kung may magkakapatid na lalaki at mamatay na walang anak ang isa sa kanila, kailangang kunin ng Kanyang kapatid ang Kanyang asawa para magpasibol ng supling sa Kanyang kapatid.’ Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. Kinuha ng pangalawa ang biyuda, at pagkatapos ay ng pangatlo naman, pero hindi nagkaanak ang pito. Namatay sila at sa bandang huli’y namatay rin ang babae. Sa pagkabuhay, kanino sa pito Siya maituturing na asawa? Ang pito nga ang umangkin sa Kanya.” Sinagot sila ni Jesus: “Nag-aasawa ang mga taong nasa daigdig na ito, lalaki man o babae. Ngunit hindi na mag-aasawa ang mga ituturing na karapat-dapat sa kabilang-buhay at sa pagkabuhay ng mga patay, lalaki man o babae. Hindi na nga sila mamamatay. Kapantay na sila ng mga anghel at mga anak sila ng Diyos matapos silang ibangon. Tiyak na may pagkabuhay ng mga patay; ipinahiwatig ito kahit na ni Moises sa kabanata ng palumpong nang tawagin Niyang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob ang Panginoon. Hindi Siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, at buhay na kasama Niya silang lahat.Pagninilay
Maging sa buhay ugnayan ng mga tao sa lupang ibabaw, hindi winawakasan ng kamatayan ang relasyon sapagkat naka-ugat ito sa pag-ibig. Nananatiling buhay hindi lamang ang alaala kundi maging ang karanasan natin sa ating mahal sa buhay. Nananatili tayong kaibigan o kapamilya. Hindi ba’t lalong higit na ito’y totoo sa ating pakikipag-ugnayan kay Kristo? Hindi winawakasan ng kamatayan ang ating pagiging mga anak ng Diyos sapagkat may pag-asang hatid ang Muling Pagkabuhay ni Kristo. At sinong makapaghihiwalay sa atin sa pagmamahal ni Kristo? Ito ang kasiguruhan ni San Pablo: “Natitiyak kong kahit ang kamatayan at buhay…natitiyak ko na sa mga nilikha’y walang makapagwawalay sa atin sa pagmamahal ng Diyos na na kay Kristo Jesus na ating Panginoon.”© Copyright Pang Araw-Araw 2019