Ebanghelyo: Lucas 17:11-19
Habang papunta si Jesus sa Jerusalem, dumaan Siya sa hangganan ng Samaria sa Galilea. At pagpasok Niya sa isang nayon, may sampung lalaking may ketong ang lumabas para salubungin siya. Tumayo ang mga ito sa malayo at tumawag nang malakas: “Jesus, Guro, maawa ka sa amin.” At sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Umalis kayo at humarap sa mga pari.” At nangyari na gumaling sila habang naglalakad. Isa sa kanila ang agad na nagbalik nang makita Niyang gumaling siya, at pasigaw Niyang pinuri ang Diyos. Nagpatirapa Siya sa paanan ni Jesus, sa pagpapasalamat sa Kanya. Isa siyang Samaritano. Kaya sinabi ni Jesus: “Di ba’t sampu ang gumaling? Nasaan ang siyam? Wala bang bumalik para magpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?” At sinabi sa Kanya ni Jesus: “Tumayo ka, iniligtas ka ng iyong pananampalataya.Pagninilay
Isang napakalaking kasalanan para sa ating mga Pilipino ang hindi makaalala, ang makalimot, at hindi tumanaw ng utang na loob. Umaasa tayong susuklian ng pagkilala ang isang kabutihang bagay o isang biyaya na natanggap ng isang tao. Salamat! Ang bawat pagbigkas ng salitang ito ay pagsasabing mahalaga ka sa akin. Salamat! Ipinapahayag ko na ako ay pinagpala ng Panginoon sa lahat ng kabutihang ginawa Niya sa akin. Salamat! Kinikilala ko ang halaga hindi lamang ng biyayang aking natamo kundi mas higit ay ang Diyos na nagkaloob ng lahat ng bagay. Tanging ang pusong mapagpasalamat ang makapagbibigay papuri sa Panginoon. Tatanungin din ba tayo ni Jesus, “Wala bang bumalik para magpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?© Copyright Pang Araw-Araw 2019