Ebanghelyo: Lucas 12:8-12
“Sinasabi ko sa inyo: sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin din ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao’y hindi rin kikilalanin sa harap ng mga anghel ng Diyos. “Ang sinumang magsalita laban sa Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit ang sinumang lumait sa Espiritu Santo ay hindi mapapatawad. Dalhin man nila kayo sa harap ng mga sinagoga at mga namumuno at mga maykapangyarihan, huwag kayong mabalisa kung paano ninyo ipagtatanggol ang sarili o kung ano ang inyong sasabihin. Sapagkat ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo sa oras na iyon ng dapat na sabihin.Pagninilay
Tuwina’y sinusubok ng mundo ang ating pagiging Kristiyano. Paano natin ipagtatanggol ang ating pananampalataya sa gitna ng pagtutuligsa ng ibang relihiyon, ng siyensa o ng mga hindi naniniwala sa Diyos? Paano natin itataguyod ang kabanalan at mensahe ng buhay ng Ebanghelyo sa gitna ng lipunang nagsusulong sa aborsyon, death penalty, pagkitil ng buhay, pang-aabuso at karahasan? Paano natin mapananatili ang makabuluhang presensya ng Simbahan sa gitna ng mundo ng kawalan ng pag-ibig, kapayapaan at katarungan? Tunay ang hamon na kinakaharap natin bilang Simbahan. Ngunit ating lakas ang Kanyang mga salita: “Huwag kayong mabalisa kung paano niyo ipagtatanggol ang sarili…” Sumasaatin tuwina ang Espiritu Santo. Maging bukas nawa tayo at matapang.© Copyright Pang Araw-Araw 2019