Ebanghelyo: Lucas 6:12-16
Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa bundok para manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. Nang nag-umaga na, tinawag Niya ang Kanyang mga alagad at pumili Siya ng labindalawa sa kanila na tinawag Niyang apostol: si Simon na pinangalanan Niyang Pedro, si Andres na kapatid nito; si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo.Pagninilay
Tinawag ni Jesus ang labindalawang mga alagad sa kanilang mga pangalan. Bawat alagad ay may personal na pakikipagtagpo kay Jesus. Tinawag sina Pedro, Andres, Santiago at Juan sa may dalampasigan. Tinawag si Mateo sa Kanyang paningilan ng buwis. Bawat isa ay personal na tinawag. Ngunit bawat personal na pagtawag ay nasa konteksto ng komunidad. Bahagi ng tawag na sundan si Jesus ay ang bumuo at maging bahagi ng isang komunidad. Hindi marahil inaasahan ni Simon na taga-Cananea na makakasama nya ang isang maniningil ng buwis na si Mateo. Lahat tayo ay tinawag, tinipon at pinagtagpo ni Jesus! Ito ang misteryo at kagandahan ng isang komunidad, ng ating Simbahan.© Copyright Pang Araw-Araw 2019