Ebanghelyo: Mateo 8:28-34
Pagdating ni Jesus sa lupain ng Gadara sa kabilang ibayo, sinalubong siya ng dalawang lalaking inaalihan ng demonyo, na galing sa mga libingan. Napakabangis nila kayat walang makadaan doon. Bigla silang sumigaw: “Ano ang kailangan mo sa amin, ikaw na Anak ng Diyos! Pumarito ka
ba para pahirapan kami bago sumapit ang panahon?” Sa may di-kalayua’y maraming baboy na nanginginain. Kaya hiniling sa kanya ng mga demonyo: “Kung palalayasin mo kami, ipadala mo kami sa mga baboy.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Umalis kayo.” Kaya pagkalayas ng mga demonyo’y pumasok ang mga ito sa mga baboy – at hayun! nahulog sa bangin ang lahat ng baboy papuntang dagat, at nalunod na lahat. Tumakas naman ang mga nagbabantay sa mga baboy. Pagdating nila sa bayan, ipinamalita nila ang lahat at kung ano ang nangyari sa mga inaalihan ng mga demonyo. Kaya lumabas ang buong bayan para salubungin si Jesus; at pagkakita nila sa kanya, hiniling nilang umalis siya sa kanilang lugar.
Pagninilay
Ipinapakita sa ebanghelyo ang kapangyarihan ni Jesus hindi lamang sa pisikal na mundo kundi pati na rin sa espirituwal. Sa kaniyang ginawa sa dalawang lalaki, binigyan sila ni Jesus ng dignidad at pagkilala sa kanilang karapatan bilang mga tao, na mabuhay ng malaya at may kapayapaan. Ang pagtakwil ng komunidad sa dalawang lalaki ay sumasalamin sa diskriminasyon na madalas nararanasan ng mga taong may kapansanang mental o sa pag-iisip. Sa halip na tulungan, sila ay iniiwasan at kinatatakutan. Nang mapalaya sila ni Jesus, imbes na magalak, ang mga tao ay nagpadala sa takot at hiniling na umalis si Jesus sa kanilang lugar. Ito ay nagpapakita ng reaksyon ng lipunan sa pagbabago, lalo na kung ito ay laban sa kanilang nakasanayan. Nawa’y maging bukas tayo sa pagtanggap at pag-unawa sa mga taong may kapansanan sa pag-iisip. Tanungin natin ang ating sarili kung paano tayo makakatulong na bawasan ang estigma at magbigay ng suporta sa mga nangangailangan nito. Maging mas mapanuri din tayo sa ating mga reaksyon, lalo na sa mga hindi inaasahang pagbabago at hamon sa ating mga komunidad.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





