Ebanghelyo: Mateo 8:23-27
Sumakay si Jesus sa bangka at sumunod sa kanya ang mga alagad niya. Walang anu-ano’y nagkaroon ng malakas na bagyo sa lawa at parang matatabunan na ng mga alon ang bangka. Ngunit tulog si Jesus. Ginising siya nila na sumisigaw: “Panginoon, saklolo! Mamamatay tayo!” At sinabi ni Jesus: “Ba’t kayo natatakot, kayong napakaliit ng paniwala?” Bumangon siya at inutusan ang mga alon at hangin, at tumahimik ang lahat. Nagulat ang mga tao at sinabi nila: “Anong klaseng tao ito? Sumusunod sa kanya pati mga hangin at dagat.”
Pagninilay
Isang araw matapos ipagdiwang ang Kapistahan ng mga haligi ng Simbahan na sina San Pedro at San Pablo, ginugunita naman natin ngayon ang kapistahan ng mga Unang Martir ng Simbahan ng Roma. Sila ang mga Kristiyanong inusig at ipinapatay ni Emperador Nero noong 64AD. Sinasabing ipinasunog ni Nero ang higit kalahati ng lungsod ng Roma, at para hindi maibaling sa kanya ang sisi, itinuro niyang ito’y kagagawan ng mga Kristiyano. Kaya’t nakahanap siya ng dahilan upang ang mga ito’y usigin at patayin. Kaya’t sa pamamagitan ng kapistahang ito, kinikilala natin ang mga ninuno ng ating pananampalataya na nagbuwis ng kanilang mga buhay, maipakita lamang ang pagpapahalaga at katapatan nila sa pananampalataya. Nawa, sa ating buhay bilang Kristiyano ay tunay nating masasabing: “Hindi nasayang ang mga dugong dumanak mula sa mga unang martir”. At nawa, kapag dumating ang pagkakataon na tayo naman ang dumaan sa pag-uusig dahil sa ating pananampalataya ay matuto rin tayong manindigan at maging tapat kagaya ng mga unang martir. ‘Ipagdiwang natin ang kadakilaan ng mga martir na ito ng Simbahan!
© Copyright Pang Araw-araw 2026





