Ebanghelyo: Lucas 10:1-9
Pagkatapos nito, humirang ang Panginoon ng iba pang pitumpu’t dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa kanya sa bawat bayan at lugar na takda niyang puntahan. Sinabi niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa; idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani. Lumakad na kayo. Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o mga sandalyas. At huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan. Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo: ‘Mapasatahanang ito ang kapayapaan!’ Kung mapayapang tao ang naroon, sasakanya ang inyong kapayapaan. Kung hindi’y magbabalik sa inyo ang inyong dasal. At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod. Huwag kayong magpapapalit-palit ng bahay. Saanmang bayan kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin ninyo anumang ihain sa inyo. Pagalingin din ninyo ang mga maysakit doon at sabihin ninyo sa kanila: ‘Palapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos.’
Pagninilay
“Nagkukulang ang manggagawa.” Si San Lucas ay alagad at kasama ni San Pablo sa kanyang paglalakbay upang ipangalat ang mabuting balita tungkol
kay Jesucristo. Dahil sa kanyang kakayahang manggamot, tinagurian siyang “Patron ng mga Manggagamot”. Ang buhay ni San Lucas at ang mga pagbasa natin ngayong araw ay magkakaugnay hingil sa pagsusugo ng Diyos. Ang mga tagubilin ni Jesus sa 12 alagad at 72 discipulo ay halos magkatulad. Ang naging layunin ni Jesus sa pagsusugong ito ay nakaugat sa kanyang pagkabahala sa kalalagyan ng mga tao, at sinabi nga Niya “Sagana
ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa.” Bakit nga ba kulang na kulang pa rin ang mga magagawa sa anihan ng Diyos? Nagkukulang ang mga mangagawa sa simbahan sapagkat ang mga gampanin na para sa mga layko, minsan, ay mga pari pa rin ang inaasahang gumawa. Nagkukulang ang mga mangagawa sapagkat hindi napapahalagahan ang Binyag at
kumpil na sya nating tinanggal na may kaakibat na pananagutang makiisa sa misyon ng simbahan. Nakasalalay sa ating mga binyagan ang pangangaral at pagpapalaganap ng pananampalataya. Tayong lahat sa ating buhay, salita at gawa ay hinirang para sa misyong ito ng Simbahan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025