Ebanghelyo: Lucas 18:1-8
Dapat laging manalangin at huwag masiraan ng loob – ito ang sinabi
ni Jesus sa kanila sa isang talinhaga. Sinabi niya: “Sa isang lunsod, may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang pakialam sa mga tao. May
isa ring biyuda sa lunsod na iyon na madalas pumunta sa kanya at sinasabi: ‘Igawad mo sa akin ang katarungan laban sa aking kalaban.’ Matagal siyang
umayaw pero naisip niya pagkatapos: ‘Wala man akong takot sa Diyos at
walang pakialam sa tao, igagawad ko pa rin ang katarungan sa biyudang ito na bumubuwisit sa akin at baka masiraan pa ako ng ulo sa pagpuntapunta
niya’.” Kaya idinagdag ng Panginoon: “Pakinggan ninyo ang sinabi ng di-matuwid na hukom. Di ba’t igagawad ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na araw-gabing tumatawag sa kanya? Pababayaan ba niya sila? Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila ang katarungan. Ngunit pag dating ng Anak ng Tao, makakakita kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”
Pagninilay
“Pagod na pagod na ako!” Ang mga pagbasa at Ebanghelyo natin ngayong linggo ay nakasentro sa kahalagahan ng panalangin at pananalig sa Diyos. Ipinapakita sa talinhaga ang isang babaeng balo na patuloy na lumalapit sa isang hindi matuwid na hukom upang humingi ng katarungan laban sa kanyang kaaway at dahil sa pangungulit ng balo siya’y pinagbigyan ng hukom. Ang layunin ng talinghaga ay ituro ang kahalagahan ng panalangin at ang pananampalataya na patuloy na umaasa at nananalig sa Diyos. Bagamat ipinakita ni Jesus ang pagiging hindi matuwid ng hukom sa
talinghaga, ipinapakita niya na ang Diyos ay tapat at makatarungan. Ang Diyos ay mas handang makinig sa mga
panalangin ng kanyang mga hinirang. Bilang tao napakarami na ring mga kahilingan at panalangin sa Diyos. Ito ay
mga pagsubok at mga dagok sa buhay na ninanais nating masulusyonan minsan ginugusto na lang nating sumuko. Ang pagkapagod ay natural sa isang tao. Subalit, ano nga ba ang malalim na kahulugan ng Pagod? Ang salitang PAGOD ay hindi daing ng pagsuko kundi panawagan at paghingi ng tulong sa Diyos. Sa bawat pagbigkas natin ng Salitang “pagod na pagod na ako!” hindi natin namamalayang sinasambit na natin ang salitang PA-GOD o PAPA-GOD. Kaya naman kapag tayo ay nakakaraanas ng mga dagok sa buhay, hindi masama ang mapagod humingi tayo ng tulong sa Diyos at tayo naman ay kanyang sasamahan at tutulungan upang mapagaan ang dinadala nating krus sa buhay. Ang pangangailangan ng matiyagang pananalangin ay hindi lamang nangangahulugang paulit-ulit na pagdarasal kundi ang patuloy na pananampalataya sa kabila ng mga pagsubok at paghihirap.
© Copyright Pang Araw-araw 2025