MIYERKULES
Ebanghelyo: Lucas 12:39-48
Isipin ninyo ito: kung nalaman lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi ang dating ng magnanakaw, hindi sana niya pababayaang looban ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayo sapagkat dumarating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaakala.” Sinabi ni Pedro: “Panginoon, kanino mo ba sinasabi ang talinhagang ito, sa amin o sa lahat?” Sumagot ang Panginoon: “Isipin ninyo ito: may tapat at matalinong katiwala na pangangasiwain ng panginoon sa kanyang mga tauhan para bigyan sila ng rasyon sa tamang oras. Kung sa pagdating ng kanyang panginoon ay matagpuan siya nitong tumutupad nang gayon, mapalad ang lingkod na iyon. Talagang sinasabi ko sa inyo, pangangasiwain siya nito sa lahat nitong ari-arian. Ngunit maaari namang maisip ng lingkod na iyon: ‘Matatagalan pang dumating ang panginoon ko’ at simulang pagmalupitan ang mga utusang lalaki at babae, at kumain, uminom at maglasing. Ngunit darating ang panginoon ng lingkod na iyon sa araw na di niya inaasahan at sa oras na di niya nalalaman. Palalayasin niya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga di-tapat. Maraming hampas ang tatanggapin ng katulong na nakaaalam sa kalooban ng kanyang panginoon pero hindi naghanda ni sumunod sa kalooban niya. Kaunti lang naman ang tatanggapin ng walang nalalaman sa kalooban niya ngunit gumawa ng mga bagay na dapat parusahan. Hihingan nga ng marami ang binigyan ng marami at hihingan nang higit ang pinagkatiwalaan nang higit.
Pagninilay
Muli tayong pinaaalalahanan sa ebanghelyo na maging laging handa sa bawat sandali ng ating buhay sa pagdating ng Panginoon. Maraming paraan kung paano siya dumarating at kadalasa’y di natin ito namamalayan dahil sa hinahanap natin ang makapangyarihang Diyos. Kung kaya’t namamalik mata tayo sa mga tao, bagay at sitwasyon na lubhang di nakakatawag pansin at doon pala nakabalot ang misteryo ng kanyang kadakilaan. Huwag nating sayangin ang ating panahon sa mga bagaybagay na panandalian lamang. Gamitin natin ang ating kakayahan, maliit man ito o marami, sa paglingkod sa Kanya at sa ating kapwa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020