Ebanghelyo: Marcos 5:21-43*
(…) At may dumating na isang pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Nagpatirapa ito sa kanyang paanan at pilit na ipinakiusap sa kanya: “Naghihingalo ang aking dalagita kaya halika para maligtas siya at mabuhay sa pagpapatong ng iyong mga kamay.” Kaya umalis si Jesus kasama niya at sumunod din sa kanya ang mga tao na gumigitgit sa kanya. May isa namang babae na labindalawang taon nang dinudugo. (…) At nang mabalitaan niya ang tungkol kay Jesus, nilapitan niya ito sa likuran sa gitna ng mga tao at hinipo ang damit nito, sapagkat naisip niya: “Kung mahihipo ko lamang ang kanyang mga damit, gagaling na ako.” At agad na naampat ang pag-agos ng kanyang dugo at naramdaman niyang gumaling na ang kanyang sakit. Ngunit agad din namang nadama ni Jesus na may lakas na lumabas sa kanya kaya lumingon siya sa gitna ng mga tao at nagtanong:
“Sino ang humipo sa mga damit ko?” Sumagot ang kanyang mga alagad: “Nakikita mo nang ginigitgit ka ng napakaraming tao. Bakit mo pa itatanong: Sino ang humipo sa akin?” At patuloy siyang tumingin sa paligid para makita kung sino ang gumawa nito. Kaya lumapit na nanginginig sa takot ang babae. Namamalayan nga nito ang nangyari kaya lumapit ito at nagpatirapa sa harap niya at inamin sa kanya ang buong katotohanan. At sinabi sa kanya ni Jesus: “Anak, iniligtas ka ng iyong pananalig. Humayo kang mapayapa at magaling ka na sa iyong sakit.” Nagsasalita pa si Jesus nang may dumating galing sa bahay ng pinuno ng sinagoga, at sinabi nila: “Patay na ang iyong anak na babae. Bakit mo pa iniistorbo ngayon ang Guro?” Ngunit hindi sila inintindi ni Jesus at sinabi sa pinuno: “Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang.” At wala siyang pinayagang sumama sa kanya liban kina Pedro, Jaime at Juang kapatid ni Jaime. Pagdating nila sa bahay, nakita niya ang kaguluhan: may mga nag-iiyakan at labis na nagtataghuyan. Pumasok si Jesus at sinabi: “Bakit nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata kundi natutulog lang.” At pinagtawanan nila siya. Ngunit pinalabas ni Jesus ang lahat, at ang ama at ina lamang nito ang isinama at ang kanyang mga kasamahan. Pagpasok niya sa kinaroroonan ng bata, hinawakan niya ito sa kamay at sinabi: “Talita kum”, na ibig sabihi’y “Nene, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka.” At noon di’y bumangon ang bata at nagsimulang maglakad. (…)
Pagninilay
Sa ebanghelyo, natin ang pagtugon ni Jesus sa mga taong lubos na nangangailangan. Bilang mga nananalig kay Jesus, nakikilala tayo bilang mga Kristiyano dahil sa pagtitiwala at nabubuhay nating pananampalataya kay Jesus. Dito ay makikita natin ang kahalagahan ng pananalangin, na susi sa pakikipag-usap sa Diyos. Ang mga pakiusap ni Jairo at ng babae ay maituturing nating uri ng pananalangin sapagkat sila ay dumulog sa Diyos. Kaya sa buhay natin bilang Kristiyano mahalaga ang panalangin. Araw-araw dapat tayong bumaling sa Diyos sa panalangin. Ito ay gaya ng “oxygen” na kinakailangan sa buhay-espirituwal natin. Sa pamamagitan ng araw-araw na panalangin, nagkakaroon tayo ng mas malalim na ugnayan at pang-unawa sa ating sarili at sa Diyos. Hindi tayo nananalangin para sa kapakanan ng Diyos, kundi para sa sarili nating kapakanan, upang ang ating relasyon sa ating Panginoon ay maging mas ganap at ang ating buhay ay mapuno ng kabutihan ng Diyos. Nawa’y magkaroon din tayo ng lubos na pananampalataya kay Jesus.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




