Ebanghelyo: Marcos 10:1-12
Nagpunta si Jesus sa probinsya ng Judea, sa kabilang ibayo ng ilog Jordan. At napakaraming tao na naman ang nagdatingan. At muli niya silang tinuruan gaya nang dati. At lumapit ang ilang Pariseo na gusto siyang subukan at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?” itinanong naman niya: “Ano ang iniutos sa inyo ni Moises?” At sinabi nila: “Ipinahintulot ni Moises na paalisin ang babae pagkabigay sa kanya ng kasulatan ng diborsiyo.”
Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya sinulat niya ang kautusang ito. Ngunit sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina at magiging iisang katawan ang dalawa. Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.”
Nang nasa bahay na sila, tinanong siya muli ng mga alagad. At sinabi niya sa kanila: “Kung may lalaking magpaalis sa kanyang asawa at saka magpakasal sa iba, nakiapid na siya. At kung ang babae naman ang magpaalis sa lalaki at magpakasal sa iba, nakikiapid din siya.”
Pagninilay
Mula sa simula pa man, ang mga relasyon ay marupok. Totoo ito lalo na sa pag-a-asawa, kung saan ang dalawang indibidwal ay nakatira araw-araw sa iisang bubong. Ang pagsusumikap na kinakailangan ng mabuting pag-aasawa ay maaaring subukin ng panahon. Ang mga pangako ay ma-aring hamunin ng tadhana. Hindi rin nakakatulong na nabubuhay tayo sa panahong madaling palitan ang mga bagay-bagay. Mabilis palitan ang isang bagay kung ito ay, sa tantiya natin, luma na o kaya naman ay hindi na nauuso.
Minsan, nadadala ang ganitong pag-iisip sa ating mga relasyon. Parang ganuon na lang kadali mag-palit ng mga kaibigan – o kahit pa nga asawa – kung nagsasawa na tayo. Ang lahat ng mga relasyon ay nangangailangan na pagsipagan ng bawat isa. Ang pagpapahintulot ng diborsiyo ay dahil sa katigasan ng kanilang mga puso. Pero kung tama at pinag-iisipan natin ang ating mga pinipili sa buhay, lalo na sa pagpili ng pakakasalan, hindi kailangan ang diborsiyo. Maging mapanuri sa lahat ng ating mga pinagpipilian at hangarin natin na ang kalooban ng Diyos ang ating masundan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022