Ebanghelyo: Lucas 9:18-22
Minsan, mag-isang nagdarasal si Jesus at naroon din ang mga alagad. Tinanong Niya sila: “Sino raw ako ayon sa sabi ng mga tao?” Sumagot sila: “Si Juan Bautista raw; may iba namang nagsasabing ikaw si Elias at may iba pang nagsasabi na isang propeta noong una ang nabuhay.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Ano naman ang sinasabi ninyo kung sino ako?” Sumagot si Pedro: “Ang Mesiyas ng Diyos.” At inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin ito kaninuman. Sinabi nga ni Jesus: “Kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga Siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin Siya at muling babangon sa ikatlong araw.”
Pagninilay
Dahil marahil sa mga kamanghamanghang bagay na ginawa ni Jesus kung kaya’t inakala ng mga tao na si Jesus si Juan Bautista o si Elias o isang propetang nabuhay noong una. Ang pagkakilala nila kay Jesus ay nakabatay sa kung ano lamang ang kanilang nakita. Subalit ang tanong ni Jesus ay hindi lamang usapin ng pagkakakilanlan, sa halip ay batayan ng pakikipagugnayan sa Kanya. “Ano naman ang sinasabi ninyo kung sino ako?” Parehas na tanong ang dapat nating sagutin. Sino si Jesus para sa atin? Buhày rin ba sya sa ating buhay? Nakabatay ba sa isang malalim na karanasan at relasyon sa Kanya ang ating kasagutan? At tulad ni Pedro, maari rin ba nating masabi: Ikaw ang Mesiyas ng Diyos!© Copyright Pang Araw-Araw 2019