Ebanghelyo: Mateo 1:1-16, 18-23*
Ito ang libro ng pinagmulan ni Jesucristo, anak ni David at anak ni Abraham. Si Abraham ang ama ni Isaac, si Isaac ang ama ni Jacob, si Jacob ang ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid. Si Juda ang ama nina Parez at Zerah (si Tamar ang kanilang ina), si Parez ang ama ni Esron, at si Esron ni Aram. Si Aram naman ang ama ni Aminadab, si Aminadab ni Naason, si Naason ni Salmon. Si Salmon ang ama ni Boaz, at si Rahab naman ang kanyang ina. Si Boaz ang ama ni Obed, si Ruth ang kanyang ina. Si Obed naman ang ama ni Jese. Si Jese ang ama ni David na hari. Si David ang ama ni Solomon, at ang naging maybahay ni Urias ang kanyang ina. (…) Pagkatapos naman ng pagkatapon sa Babilonia – si Yekonias ang ama ni Salatiel na ama ni Zorobabel. Si Zorobabel ang ama ni Abiud, si Abiud ni Eliakim, at si Eliakim ni Azor. Si Azor ang ama ni Sadok, si Sadok ni Akim, at si Akim ni Eliud. Si Eliud ang ama ni Eleazar, si Eleazar ni Matan at si Matan ni Jacob. Si Jacob ang ama ni Jose – ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Jesus na tinawag na Kristo. Ganito ipinanganak si Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya. Habang iniisipisip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.” Nangyari ang lahat ng ito para matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Maglilihi ang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi’y Nasa-atinang- Diyos.”
Pagninilay
Ang genealohiya ni Jesus, mula kay Abraham hanggang kay David at mula kay David hanggang sa kaniyang mga magulang ay nagpapakita ng pagtupad ng mga propesiya at ng pangako ng Diyos sa Kaniyang bayan. Mula sa mga pangalan na nakatala, makikita ang pagkaka-ugnay ng kasaysayan ng Israel sa plano ng kaligtasan. Ang bawat pangalan ay may kanya-kanyang kwento at leksyon na nagbibigay inspirasyon sa atin. Sa Mateo 1:18-23, inilarawan ang kapanganakan ni Jesus at ang kaniyang pagiging Emmanuel, o “Diyos kasama natin.” Ang mensahe rito ay hindi lamang para sa mga tao noong panahon ni Jesus, kundi pati na rin sa atin ngayon. Sa kabila ng ating mga pagsubok at pagdududa, ipinapaalala nito na ang Diyos ay laging naririyan upang samahan tayo. Ang ating pananampalataya ay dapat maging mas matatag, na may tiwala sa mga plano ng Diyos. Bilang mga Katoliko, hinihimok tayo na pahalagahan ang ating kasaysayan at ang ating pananampalataya. Ang ating mga karanasan ay bahagi ng mas malaking kwento ng kaligtasan. Ipagpatuloy natin ang pagtiwala sa Diyos, sapagkat Siya ay laging naroroon upang gabayan tayo sa ating mga buhay.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





