Ebanghelyo: Lucas 6:1-5
Isang Araw ng Pahinga, naglalakad si Jesus sa bukirin ng trigo. Nangyari na hinimay ng kanyang mga alagad ang mga butil sa pagkiskis sa kanilang mga kamay, at kinain ang mga ito. Sinabi ng ilang Pariseo: “Bakit ninyo ginagawa ang ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga?” Ngunit nagsalita si Jesus at sinabi niya sa kanila: “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa Bahay ng Diyos, kinuha ang tinapay na inihain para sa Diyos, kinain ito at binigyan pa ang kanyang mga kasamahan, gayong bawal itong kainin ninuman liban sa mga pari.” At sinabi pa niya sa kanila: “Panginoon ng Araw ng Pahinga ang Anak ng Tao.”
Pagninilay
Sa isang homiliya sa panahon ng kuwaresma, sinabi nang pari “kahit magayuno kayo kada biyernes o sa buong kuwaresma pero nananatili pa ring sakim at makasarili, itigil na lang dahil magugutom lang kayo.” Binantayan na naman ng mga pariseo ang pamimitas ng mga alagad ni Jesus sa trigo upang kainin habang naglalakad sila sa mismong araw ng pahinga. Nagutom sila kaya pumitas at kumain ng trigo. Para sa mga pariseo, mas mahalaga ang pagsunod sa batas kaysa sa pangangailangan ng tao tulad nang pagkain. Na ging tapat sila sa pagsunod sa mga batas ngunit hindi ito nagbigay ng pagbabago sa kanilang buhay. Hindi sila suma sablay sa pagsunod sa bawat nasusulat sa batas, pero hindi naghahari ang Panginoon sa kanila. Sinagot sila ni Jesus, “ang anak ng tao ay ang Panginoon sa araw ng pamamahinga.” Si Jesus ang Panginoon ng batas. Siya ang katuparan ng batas na hindi nananatiling titik lamang. Nilalarawan nito ang makaDiyos na pagibig at awa sa sangkatauhan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023