Ebanghelyo: Mateo 9:9-13
Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo si Mateo at sinundan siya. At habang nasa hapag si Jesus sa bahay ni Mateo, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang lumapit at nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad: “Bakit kumakaing kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis ang inyong guro?”
Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! Sige, matutuhan sana ninyo ang kahulugan ng ‘Awa ang gusto ko, hindi handog.’ Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”
Pagninilay
Isang araw, inanyayahan ako sa isang “birthday party,” syempre kumain at uminom ako roon. Matapos ang pagkain, mayroong isang pangkat ng mga kalalakihan sa likuran at tinawag nila ako. Napansin ko na ang karamihan sa mga tao na naroon ay hindi nagsisimba ngunit hindi ko sila sinita kung ano ang kanilang dahilan. May isang tao na marahil narinig niya na nakikipagkaibigan ako sa kanila ay nangako, “Padre, magsisimba ako kasama ang buong pamilya ko ngayong darating na Linggo.” Pagkatapos ay hinikayat niya ang ibang mga miyembro na magsimba rin. Lumipas ang Linggo, nakita ko na ang karamihan sa pangkat ay nagpunta sa simbahan at iyong nangako sa akin ay kasama rin ang kanyang pamilya. Si Mateo ay naging isang apostol dahil nakita ni Jesus na nagbago ang kanyang puso sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. At sigurado rin ako na ang mga kumain kasama si Jesus sa hapag ng mga makasalanan, nagbago ang kanilang buhay at sumunod sa kanya. Si Jesus, ang kaibigan ng lahat, lalo na ang mga makasalanan. Inimbitahan mo ba si Jesus sa iyong hapag kainan?
© Copyright Pang Araw-Araw 2021