Ebanghelyo: Juan 1:1-18
Sa simula’y naroroon na nga ang Wikang Salita, at naroroong kaharap ng Diyos ang Salita, at Diyos ang Salita. Naroroon na nga siyang kaharap ng Diyos sa simula. Sa pamamagitan niya nayari tanang mga bagay, at hiwalay sa kanya’y walang anumang nayari. Ang niyari ay sa kanya nagkabuhay, at ang buhay ang liwanag para sa mga tao. Nagningning sa karimlan ang liwanag at di ito nasugpo ng karimlan. May taong sugo ang Diyos – Juan ang kanyang pangalan. Dumating siya para sa pagpapatunay, para magpatunay tungkol sa Liwanag, upang makapanalig ang lahat sa pamamagitan niya. Hindi siya mismo ang Liwanag, kundi para magpatunay tungkol sa Liwanag. Pagkat paparating noon sa mundo ang Liwanag na totoo na siyang nagliliwanag sa bawat tao. Nasa mundo na nga siya, ang mundong nayari sa pamamagitan niya, at di naman siya kinilala ng mundo. Sa sariling kanya siya dumating at hindi siya tinanggap ng mga kanya. Ngunit sa lahat ng tumanggap sa kanya sa pananalig sa kanyang Pangalan, binigyang-kakayahan nga niya sila na maging mga anak ng Diyos. Ipinanganak nga sila, hindi mula sa dugo, ni mula sa kagustuhan ng laman, ni sa kagustuhan ng lalaki kundi mula sa Diyos. At naging laman ang Wikang-Salita, at itinayo ang kanyang Tolda sa atin, at nakita natin ang kanyang Luwalhati, Luwalhating mula sa Ama na bagay sa bugtong na Anak, lipos ng Kagandahang-loob at Katotohanan. Nagpapatunay sa kanya si Juan at isinisigaw: “Siya ang sinabi kong ‘Nauna na sa akin ang dumating na kasunod ko, pagkat bago ako’y siya na’.” Mula sa kanyang kapuspusan nga tumanggap tayong lahat – oo, abut-abot na kagandahang-loob. Sa pamamagitan ni Moises ibinigay ang Batas, sa pamamagitan naman ni Jesucristo dumating ang Kagandahang- loob at Katotohanan. Kailanma’y walang sinumang nakakita sa Diyos; ang Diyos na Anak na bugtong siyang nasa kandungan ng Ama – ang nagpahayag sa kanya.
Pagninilay
Sa huling araw ng taong 2020, muli tayong pinaaalalahanan ng Ebanghelyo sa walang katumbas na kabutihan ng Diyos. Habang namamaalam tayo sa isa pang taon, muli tayong haharap sa isang bagong taon na may dalang bagong pag-asa. Tandaan natin ang pinakadakilang kaganapan ng lahat: Ang Diyos ay dumating sa mundo, hindi lamang upang dumalaw ng isang araw, ngunit nanirahan siya’t namuhay kapiling natin hanggang sa huling sandali ng kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Panginoon, taos-pusong akong nagpapasalamat sa lahat ng biyayang natanggap ko sa Iyo. Hindi mo ako pinabayaan, bagkus ipinadama mo sa akin ang Iyong walang sawang pagmamahal sa napakaraming paraan. Maraming-maraming Salamat Panginoong Jesus!
© Copyright Pang Araw-Araw 2020