Ebanghelyo: Lucas 2:41-51
Pumupunta taun-taon sa Jerusalem ang mga magulang ni Jesus para sa Piyesta ng Paskuwa. Kayat nang maglabindalawang taon na siya, umahon sila tulad ng nakaugalian para sa pagdiriwang. Subalit nang umuwi na sila pagkatapos ng mga araw ng piyesta, naiwan sa Jerusalem ang batang si Jesus nang hindi namamalayan ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakalang kasama siya ng iba pang mga kasamahan, maghapon silang nakipaglakbay at noon nila hinanap ang bata sa mga kamaganakan nila’t mga kakilala. Nang hindi nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem sa paghahanap sa kanya. At sa ikatlong araw, natagpuan nila siya sa Templo, nakaupong kasama ng mga guro at nakikinig at nagtatanong sa kanila. At namangha sa kanyang talino at mga sagot ang mga nakarinig sa kanya. Nagulat ang kanyang mga magulang pagkakita sa kanya, at sinabi sa kanya ng kanyang ina: “Anak, bakit mo naman ito ginawa sa amin? Nagdusa nga ang iyong ama at ako habang hinahanap ka namin.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “At bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?” Pero hindi nila naintindihan ang sinabi niya sa kanila. Kaya bumaba siyang kasama nila pa- Nazaret, at patuloy siya sa pagiging masunurin sa kanila. Iningatan naman ng kanyang ina ang lahat ng ito sa kanyang puso.
Pagninilay
Kilala si San Antonio de Padua noong kanyang kapanahunan dahil sa kanyang kahusayan sa pangangaral at sa kanyang pagmamalasakit sa mga dukha. Ngayon, siya ay pinipintuho ng mga tao dahil sa pagiging ‘patron ng mga nawawalang bagay.’ Inilalapit natin sa banal na santo ang kahilingan na matagpuan ang hinahanap na mga nawawalang bagay. Palawakin natin ang pangunawa natin sa mga “nawawalang bagay”. Idulog na rin natin sa kanya ang mahahalagang bagay na naiwawala natin habang tayo ay naglalakbay sa buhay na ito. Una ay ang ating kawalan ng malasakit sa kapwa. Madalas ay kapag nananalangin tayo, doon lamang tayo nakatuon sa ating sariling kahilingan at sa kapakanan ng mga taong malapit sa atin. Idulog din natin na lumawak pa ang ating malasakit na hindi lamang nakapaloob sa mga taong nasa paligid natin. Ikalawa ay kawalan ng pag-asa. Sa gitna ng pagsubok ay napakadaling sumuko at sabihing “ayaw ko na”. Ilapit natin ang ating mga pusong nasa kalagitnaan ng pagsubok. Matagpuan nawa natin ang pag-asang sa Diyos lamang natin matatagpuan. Ikatlo ay kawalan ng tiwala sa Diyos. Kapag may pinagdadaanan tayo, nais natin na tayo ang may kontrol sa lahat ng bagay at nawawawalan na tayo ng tiwala sa Diyos. Masumpungan nawa natin ang pusong handang magtiwala sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2026




