Ebanghelyo: Lucas 14:1-6
Isang Araw ng Pahinga, pumasok si Jesus sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo para kumain, at minamanmanan naman nila siya. Nasa harap niya roon ang isang taong minamanas kaya nagtanong si Jesus sa mga guro ng Batas at mga Pariseo: “Puwede bang magpagaling sa Araw ng Pahinga o hindi?” Hindi sila umimik kaya hinawakan ni Jesus ang maysakit, pinagaling ito at saka pinauwi. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila: “Kung mahulog sa balon ang anak o ang baka ng isa sa inyo, di ba’t agad niya itong iniaahon kahit na Araw ng Pahinga?” At hindi nila siya nasagot.
Pagninilay
Hindi lahat ng pananahimik ay mabuti. May pagkakataong kailangan nating magsalita upang magpahayag ang katotohanan. Nang tanungin ni Jesus ang mga Pariseo at mga dalubhasa sa Kautusan, “Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling sa Araw ng Pamamahinga o hindi?” Wala sa kanilang sumagot. Nanatili silang tahimik. Sa kanilang puso, alam nila na walang batas ang maaaring humadlang sa paggawa ng kabutihan. Batid nilang higit na mahalaga ang buhay ng tao kaysa pagtupad sa batas ng Sabat. Subalit mas pinili nilang manahimik para pagtakpan ang katotohanan. Sabi nga, “Kapag ang katotohanan ay napalitan ng pamamahimik, ang pananahimik ay isang kasinungalingan.” (Y. Yevtushenko). Hindi maaaring manahimik ang isang Kristiyano sa harap ng pamamayani ng kasamaan. Ang pagpanig kay Jesus ay isang desisyon ng buhay. Kaakibat nito ang paninindigan at pagsuong sa panganib. Nawa’y gamitin natin ang kapangyarihang magsalita para magpalaganap ng liwanag at katotohanan.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





